WALANG SUNDALONG PINUGUTAN — GEN GOBWAY

PINABULAANAN kahapon ni Philippine Army Brig Gen. Domingo Gobway, commander ng Joint Task Force Basilan, na may isa silang tauhan na pinugutan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) o ng mga lawless element na nakasagupa nila sa loob ng tatlong araw sa Barangay Ulitan, Ungkaya Pukan, Basilan.

“Ah, wala yun, mga fake news yun, magaling din sa propaganda itong mga kaibigan natin na MILF ba,” ani 101st Brigade and Task Force Basilan Commander, Brigadier General Domingo Gobway.


Subalit kinumpirma ng heneral na may tatlong sundalo ang nasawi sa bakbakan at may 13 pang tauhan nila ang sugatan kabilang ang isang junior officer. “Yung casualties namin is ano, may tatlo kahapon, tapos total is 13,” ani Gen. Gobway.

Nabatid na mula Lunes ng umaga ay nagkaroon ng sporadic firefights sa Barangay Ulitan laban sa mga tinutugis na lawless element na sangkot sa paghahasik ng terorismo at pambobomba sa Isabela at Lamitan na nagkubli sa MILF communities,

“So nag-launch tayo ng series of operation, dati kasi nandoon sila sa Baguindan area specifically doon sa Bato Maputi, ‘yun talaga ang pinaka-lungga nila. So noong na-displace sila doon, doon sila nagtago sa Ulitan, na kinupkop sila ng MILF. So noong nag-clearing tayo noong September, umalis ‘yong MILF doon kasama na ‘yong lawless, umalis sila doon sa barangay,”


Sinasabing tumagal ng ilang araw ang putuknaan ng rumesponde ang mga MILF na umano’y mga residente rin sa lugar.

Walang kumpirmadong bilang ng napatay sa hanay ng MILF at ng mga lawless elements, maliban sa inisyal report na may tatlo na ring patay sa kanilang hanay.


Kahapon Huwebes ng umaga nagsimula nang mamagitan ang joint Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) ng government of the Philippines (GPH) at Moro Islamic Liberation Front.

Ayon kay Lt. Col. Abdurasad Sirajan AFP Western Mindanao Command spokesman, pansamantalang natigil ang putukan sa pagdating ng mga kinatawan ng CCCH .


Sinasabing isinusulong ng CCCH na kung babalik yung MILF dadaan sa itatag na joint security forces na bubuuin ng military at MILF . At yung mga taga labas o hindi taga Barangay Ulitan ay babalik na dun sa kanikanilang lugar. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags: Philippine Army Brig Gen. Domingo Gobway

You May Also Like

Most Read