TATLONG katao, kabilang ang dalawang senior citizens at isang menor de edad, ang aksidenteng napatay ng isang doktor nang mawalan ito ng kontrol sa kanyang minamanehong Sport Utility Vehicle (SUV) habang binabagtas ang national road sakop ng bayan ng Pasuquin sa Ilocos Norte, nitong nagdaang Sabado, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ng Pasuquin PNP ang mga nasawi na sina Dese Laureta, 65; ang apo nitong si Irish Clemente, 14; at James Buted, 63 pawang naninirahan sa Barangay Davila ng nasabing bayan.
Sa inisyal na ulat, bandang alas-11:30 kamakalawa ng umaga habang binabagtas ni Anselme Ang, 30, ang national highway papuntang norte, ay sinubukang unahan ni Ang ang isang sasakyan na nasa right outer lane subalit nawalan ito ng control at nahagip ang mag-lola na naglalakad sa gilid ng kalsada, ayon sa inisyal na ulat.
Ayon sa hepe ng Pasuquin Police na si Maj. Vencioly Lozano, nabangga ng SUV ang isang naka-park na motorsiklo, kulong-kulong (trike) at naglalakad na mag-lola matapos mag-overtake sa outer lane ng national highway sa Barangay Davila.
“Natamaan ‘yung side mirror ng motorsiklo. Tapos nang sinubukang iwasan ng driver na mabangga ‘yung naglalakad na mag-lola, napunta ito sa inner lane at nabangga ‘yung isa pang matandang lalaki na nagmamaneho ng kulong-kulong,” ani Luzano.
Nabatid na si Ang ay isang ophthalmologist mula San Juan, Metro Manila, na kasalukuyang naninirahan sa Barangay Callaguip sa Batac City.
Ligtas naman ang sakay nitong pediatrician na kinilalang si Kimberly Borja, 27, ng Fairview, Quezon City, Metro Manila.
Si Clemente ay idineklarang dead-on-the-spot samantalang nalagutan naman ng hininga sina Laureta at Buted habang nilalapatan ng lunas sa Governor Roque B. Ablan Sr. Memorial Hospital sa Laoag City.
Nahaharap ngayon si Ang sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to properties under the Revised Penal Code habang pansamantalang nasa kustodiya ng Pasuquin PNP. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














