Latest News

PULIS PATAY, ISA PA SUGATAN SA ENGKWENTRO VS. CHINESE KIDNAPPERS

By: Victor Baldemor Ruiz

DEAD-on-arrival sa Angeles City University Foundation ang isang tauhan ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group, habang sugatan naman ang isa pa nitong kasamahan nang mabaril sila matapos mapalaban sa dalawang Chinese kidnappers sa ikinasang rescue operations sa Pampanga.

Sa ulat ng PNP-AKG, kinilala ang nasawing pulis na si Police Staff Sergeant Nelson Santiago matapos maka-engkwentro ang dalawang Chinese na suspek umano sa kidnap-for-ransom ng mga kapwa Chinese sa Angeles City, ng nasabing lalawigan, habang sugatan din sa operasyon ang kapwa pulis nito na si Police Chief Master Sergeant Eden Accad.

Sa report na ibinahagi ni PNP-AKG Director Police Brig. Gen Cosme Abrenica, dinukot umano ng mga suspek ang dalawang babaeng Chinese national sa Makati nitong Sabado ng umaga at ipinapatubos umano ito ng 500,000 yuan.


Dakong alas-2 ng hapon araw din ng Sabado nang magsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng PNP-AKG sa Angeles City, subalit nauwi ito sa engkwentro sa pagitan ng mga suspek at awtoridad.

Nadakip naman nang buhay ang mga kidnappers na kinilalang sina Hu Kai at Ryu Don na nag-demand umano ng multi-million para mapalaya ang dalawang babaeng Chinese nationals din na kanilang dinukot.

Sa naturang operasyon, nasagip ang mga biktima at naaresto naman ang mga suspek. Nakumpiska rin sa mga ito ang isang .45 pistol, .38 revolver, drug paraphernalia at ilang kutsilyo.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng AKG ang mga suspek kung saan mahaharap ang mga ito sa patong-patong na reklamo.


 

Tags: Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group

You May Also Like

Most Read