PITONG AK-47 ASSAULT RIFLE NG CPP-NPA, NAREKOBER

NANINIWALA ang pamunuan ng Philippine Army na nabawasan nang bahagya ang banta ng karahasan ngayong papalapit na national and local election sa lalawigan ng Surigao del Sur, sa pagkakabawi ng pitong matataas na kalibre ng baril ng New People’s Army sa Tago, Surigao del Sur.

Ayon kay Army 4th Infantry Division commander Maj. Gen. Wilbur Mamawag, isang residente ang nagturo ng mga armas na ibinaon sa Sitio Lagangan sa Barangay Caras-an.


Pinaniniwalaang ang mga sandata ay sadyang ibinaon para madaling makuha ng communist terrorist group anumang oras nilang kailanganin para maghasik ng karahasan lalo na ngayong papalapit na ang eleksyon.

Ayon kay Mamawag , ang pitong AK-47 rifles na may 17 magazines ay kabilang sa mga armas na ginagamit ng mga rebelde sa ginagawa nilang pananakot sa mga lokal na kandidato sa papalapit na eleksyon.

Ito rin umano ang mga sandatang ginagamit sa kanilang extortion activities sa mga contractors at lokal na negosyante.


“As the Commander of Joint Task Force Diamond, my desire is to eliminate the potential spoilers in the coming polls by making sure that the CTG will not be in a position to harass and intimidate people in the countryside as the election draws near. We will continue to hunt them down and collect their firearms faster than they could hide,” ayon sa nasabing opisyal.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police ay may 28 election-related incidents (ERI) nang naitala mula Enero 9 hanggang Abril 17, 2022.


Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, mula sa naturang bilang ay nasa 21 ang validated na at wala umanong kinalaman sa halalan.

Dalawa naman ang hinihinalang may kinalaman sa eleksyon at lima ang kumpirmadong may kinalaman sa pulitika.


Umaabot naman sa 114 lugar ang inirekomenda ng PNP sa Comelec na kabilang sa “red category” o hot spot areas ngayong halalan habang dalawang lugar sa Lanao del Sur ang nasa ilalim ng Comelec control dahil sa banta ng mga local terrorist group, kaya’t kailangang dagdagan ng sundalo at pulis ang nasabing mga lugar. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Philippine Army

You May Also Like

Latest News