Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ikalimang yugto ng flood control project sa tabi ng Labong River sa Munisipyo ng Licab, Nueva Ecija na naglalayong protektahan ang mga bukirin at mga residential areas mula sa patuloy na pagbaha.
Iniulat ni DPWH Regional Office 3 Director Roseller “Dong”A. Tolentino kina DPWH Secretary Manuel M. Bonoan at Undersecretary for Operations sa Central Luzon Roberto R. Bernardo na ang DPWH Nueva Ecija First District Engineering Office (DEO) ang nagtayo ng P96.5-million, 514- lineal-meter flood mitigation structure sa seksyon ng Labong River sa Barangay Villarosa.
Ayon kay Regional Director Tolentino, ang bahaging ito ng bayan ng Licab ay kinukunsidera na catch basin na nagiging dahilan ng pagbaha sa lugar noong mga nakaraang taon.
Batay sa Engineering Survey and Investigation Unit ng DPWH Nueva Ecija First DEO, ang lebel ng baha na nagmumula sa ilog ng Labong River ay maaaring tumaas ng hanggang 5.5 metro at makaapekto sa mga kalapit na komunidad sa panahon ng tag-ulan.
Ang Barangay Villarosa Flood Control Structure ay bahagi ng isang multi-year program para magtayo ng mga bank protection wall sa tabi ng Labong River. Mula nang magsimula noong 2016,may kabuuang P416 milyon na ang inilaan sa pagtatayo ng 3.33 linear kilometers ng protective structures.
Samantala, ang ikaanim at huling yugto ng proyekto na kinabibilangan ng pagtatayo ng isang flood control structure na may kabuuang haba na 462 lineal meters ay nagsimula na sa pagpapatupad noong Pebrero 2023 at ngayon ay isinasagawa na. (NESTOR D. CAGUITLA)














