Excited na pinanood ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ginanap na combined littoral live fire exercises, na siyang pinaka importante at tampok sa ginagawang 2023 Balikatan Exercises sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Mahigit dalawang oras na pinanood ni Pangulong Marcos ang mga isinagawang live fire exercises sa Naval Station Leovigildo Gantioqui, San Antonio, Zambales.
Pagdating ng Pangulo pasado alas- 9:00 kahapon ng umaga ay binigyan ng saglit na briefing ang commander-in-chief ng mga opisyal ng Balikatan Exercises, kaugnay sa masasaksihan nito kasama ang ilang US AT Philippine officials bago sila dinala sa observation deck.
Kabilang sa mga ipinakita sa Pangulo ang pagtukoy (identification), pag-target (target acquisition), pagpapasabog at pagpapalubog sa decommissioned Philippine Navy warship na kumakatawan bilang enemy vessel mula sa contested South China Sea gamit ang iba’t -ibang ground at air- based weapons system.
Sinundan ito ng artillery fires na naka- deploy at sa may hindi kalayuang target naman, ang mga nakalutang na drum may sa 10 kilometro mula sa dalampasigan.
Sa unang sigwada ay nagpakawala ang US forces ng kanilang High Mobility Artillery Rocket System or HIMARS precision rocket system sa direksyon ng decommissioned warship may 22 kilometro ang layo mula sa naval base sakop ng West Philippine Sea at saka sinundan ng pagpapaputok mula sa dalampasigan ng ibat- ibang weapons system.
Ayon kay Balikatan Spokesman Col. Micheal Logico, bahagi ng live fire exercise ang pag-target at pagpapalubog sa lumang barko ng Philippine Navy na nasa sa 12 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Layon nito na paigtingin ang joint and combined capabilities sa maritime security, amphibious operations, live-fire exercise, urban operations, aviation operations at counter-terrorism.
“No Hollywood effects this morning, this is old fashioned training,” pahayag ni Lieutenant Colonel Nick Mannweiler, US Marine Corps public affairs officer.
Ang Balikatan Exercises ay isang oportunidad sa mga sundalong Pinoy at Amerikano para mapalakas ang kanilang kooperasyon, madagdagan ang kanilang kapabilidad at mapahusay ang interoperability ng mga ito, ayon naman kay kay Major Gen Marvin Licudine. Balikatan director for the Philippine military.
“Wednesday’s event demonstrated new potential and revitalized the strength of our militaries while we continuously forge an ironclad alliance,” ani Mgen Licudine.
Nasa mahigit 17,600 na mga Filipino at American military personnel ang kalahok sa 38th iteration na tinaguriang pinakamalaking event sa history ng balikatan.
Nakatakdang magtapos ang Balikatan exercise sa darating na April 28,2023 na tinampukan sa kauna-unahang pagkakataon ng joint live fire exercise sa disputed waters na may mga teritoryong inaangkin ng China.