Dinakip ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (NBI-EnCD) ang isang babae na nagpapanggap na doktor kamakailan sa san Pedro, Laguna .
Kinilala ng NBI-EnCD ang suspek na si Miriam Sol Magayanes, taga San Pedro, Laguna.
Isinagawa ang pag-aresto sa suspek noong Hulyo 19 matapos na makatanggap ng impormasyon na si Magayanes ay nagpapraktis ng mental health profession nang walang kaukulang lisensiya at hindi kuwalipikado.
Nagtayo rin ng clinic sa San Pedro, Laguna ang suspek at nagsasagawa ng assessments, evaluations, at naghahatol ng gamot sa kanyang mga kliyente.
Kaagad na nagsagawa ng serye ng surveillance at berepikasyon sa Professional Regulation Commission (PRC) at dito nadiskubre na wala ang kanyang pangalan sa database ng licensed physicians sa Pilipinas.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nagpapanggap na psychiatrist ang suspek at nalaman rin na ang kanyang klinika na Magayanes Psychological and Diagnostic Center ay walang valid na lisensiya mula sa Department of Health (DOH).
Ikinasa ng NBI ang entrapment operation sa clinic ng suspek, dahilan kung bakit siya naaresto.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag saSection 28 (Illegal Practice of Medicine) ng RA 2382, otherwise known as the Medical Act of 1959, sa San Pedro, Laguna Prosecutors Office.














