Patuloy na sumbong ng mga residente, nagbunga sa pagkasawi ng NPA lider sa Masbate

Camp Elias Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur – Patay ang isa sa mga lider ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos na maka-engkwentro ang tropa ng 2nd Infantry Battalion sa Barangay Liong, Cataingan, Masbate, alas-6:30 ng umaga, nito lamang araw, Oktubre 08.

Ayon kay Lt. Col. Orlando Ramos Jr, Commander ng 2nd Infantry Battalion, muli na namang nakatanggap ng impormasyon ang kanyang tropa tungkol sa presensiya ng mga teroristang grupo sa nasabing lugar.


Agad itong beneripika ng kanyang tropa at habang papalapit sa nasabing barangay ay naka-engkwentro nila ang nasa limang mga armadong kalalakihan na pinangungunahan ni Lito Villaces Ajena alyas Cesar, na binawian ng buhay sa palitan ng putok na tumagal ng sampung minuto.

Ilang armas din ang narekober ng tropa sa pinangyarihan ng engkwentro na kinabibilangan ng isang M16, apat nitong short magazines, 37 mga bala para sa M16, isang kalibre 45, 1 magazine pistol, pitong mga bala para sa kalibre 45, isang kalibre 357 revolver, anim na bala para sa revolver at ilang mga pang-teroristang dokumento.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni BGen Aldwine Almase, Commander ng 903rd Infantry Brigade, na ang pagiging alerto ng mga residente sa pagpaabot ng mga impormasyon ay mas nagpapakita ng kanilang kagustuhan na tuluyan ng mawala sa Bikol ang CTG.


Muli namang nagpasalamat si Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) sa tuluy-tuloy na pakikipagtulungan ng publiko sa gobyerno ngunit nanghinayang din sa isang buhay na nasayang nanaman sa bakbakan.

“Personal po akong nagpapasalamat sa ating mga kababayan dito sa Bikol, lalo na sa mga Masbateño dahil talagang hindi na sila nangingiming magpaabot ng mga impormasyon sa pamahalaan para lamang ipakita ang kanilang galit sa mga CTG, ngunit tayo naman po ay nanghihinayang pa rin, dahil ayaw rin sana natin na palaging may nagbubuwis ng buhay sa ganitong mga sitwasyon. Hindi po kami titigil hanggat hindi nauubos ang mga natitira pang teroristang armado. Kung ayaw ‘nyo (CTG) matulad sa mga kasama ninyo na basta na lamang iniwan sa gitna ng labanan, ay sumuko at bumalik na lamang kayo sa inyong mga pamilya”, ani MGen. Luna.


Nitong nakaraang buwan lamang isang miyembro rin ng CTG ang napaslang sa engkwentro sa Baao, Camarines Sur dahil rin sa sumbong ng mga residente. Kahapon lamang, Oktubre 7, boluntaryo namang sumusuko ang dalawang miyembro ng CTG sa 93rd Civil Military Operations (CMO) Company sa area ng 903rd Brigade sa Sorsogon bitbit ang isa dekalibreng baril. (VICTOR BALDEMOR)


Tags: Communist Terrorist Group (CTG)

You May Also Like