NASA P90-million halaga ng smuggled cigarettes ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Navy sa dalampasigan ng Sulu, ayon sa ulat ng Hukbong Dagat ng Pilipinas kahapon.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, 4,500 cases at 225,000 rim ng undocumented cigarettes ang nasabat ng mga operatiba ng Naval Force Western Mindanao na isinakay sa ML Haiban, na kanilang hinarang may 1,600 metro mula sa northeast ng BJ Wharf, Indanan, Sulu.
Lumilitaw na galing ng Indonesia ang mga puslit na sigarilyo na ibiniyahe ni Eddie G. Taugiag na siyang skipper ng nasabat na lantsa sa dagat .
Bukod sa mga nakumpiskang sigarilyo ay dinakip din ang 11 tripulante ng lantsa at dinala sa Mauboh Pier, Patikul, Sulu kasama ng mga kontrabando.
Agad namang naipasa sa pangangalaga ng Bureau of Customs ang mga nasabing kargamento para sa kaukulang aksyon.
Sa ulat ng BOC na ipinarating kay Commissioner Bienvenido Rubio, nakasaad na: “Accordingly, the apprehending team conducted Visit, Board, Search, and Seizure Operations on board ML Haiban, manned by 11 crew onboard at vicinity 1600 yards northeast (NE) off BJ Wharf, Indanan, Sulu. The said motor launch was carrying 4,500 cases and 225,000 rims of undocumented cigarettes that allegedly emanated from Indonesia. Further, the vessel is reportedly owned by a certain Ladimar S Hajirul and skippered by a certain Eddie G Taugiag.” (VICTOR BALDEMOR RUIZ)