Latest News

P20.4 milyong halaga ng shabu, nasabat ng PDEA

NASA P20.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at local police sa ikinasang anti -narcotics operation sa Nueva Ecija.

Ayon sa ulat na ibinahagi ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, dalawang babaeng sinasabing kapwa mga bigtime drug dealer mula Cavite ang nahulihan ng may tatlong kilo ng shabu kasunod ng ikinasang buy-bust operation sa isang subdivision sa Barangay Sumacab Este, Cabanatuan City.

Ayon kay Nueva Ecija police provincial director Pol. Col. Jess Mendez, limang beses na umurong ang mga suspek sa transaksyon bago sila kumagat sa pain ng mga awtoridad.


“Magtataka ka rin bakit ang dami dala. Most probably they will deliver to others, anang opisyal nakaraang masabat ang tatlong kilo ng crystal meth (shabu) na nagkakahalaga ng P20,400,000.00 sa dalawang suspek.

Kinilala ang mga naaresto na sina Sittie Pindatun y Mimbis, 30 taong gulang, at Nor-an Bilal y Hajinor, 26 na taong gulang, residente ng Barangay H-2, Dasmariñas, Cavite.

Batay sa report ni PDEA Region 3, Regional Director Babang kay PDEA DG Villanueva, katuwang nila sa inilatag na anti-illegal drug operation ang Nueva Ecija PPO PPDEU/PIU NEPPO, PDEA Nueva Ecija Provincial Office, CIDG PFU NE, Cabanatuan CPS, RID3 at RDEU3.

Ayon pa sa report, ang mga suspek ay kasama sa mga pangunahing distributor ng shabu sa NCR, Bulacan at Nueva Ecija province.


Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang pirasong selyadong green plastic tea bag na naglalaman ng puting crystalline substance ng shabu at sampung pirasong knot- tied transparent plastic bag na naglalaman ng mahigit o kulang sa tatlong kilo ng shabu na may DDB street value ng P20,400,000.00; marked money na ginamit ng poseur- buyer; at dalawang smart cellular phones.

Sila ay kapwa nanaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: PDEA Director General Wilkins Villanueva

You May Also Like

Most Read