Umabot na umano sa Verde Island sa Batangas ang ‘oil spill’ na mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro.
Npag-alaman kay Philippine Coast Guard Batangas station commander Captain Victorino Acosta nitong Lunes ng umaga, kumpirmadong nakaabot na sa Verde Island ang oil spill.
“Opo. Sa ngayon, confirmed. Doon sa bandang 4.4 nautical miles, nagko-combat na kaagad tayo. Oil sheens pa lang doon pero may mga nagla-landfall na dito. Kapag nakita mo, nagiging kulay itim na,”ayon kay Acosta.
Sa ngayon ay inaalam na umano ng PCG kung gaano na kalayo ang inabot ng oil spill sa dalampasigan ng Verde Island.
Gayundin,minomonitor na rin umano ang iba pang karagdagan ng Batangas tulad sa San Juan, Tingloy, Lobo, at Calatagan.
Tiniyak naman ni Acosta na handa ang lalawigan sa ganitong pangyayari at naipuwesto na umano ang mga oil spill booms at iba pang equipment na kakailangan.
Magugunitang sinabi ni University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) associate professor Dr. Irene Rodriguez na aabot ang oil spill sa Batangas at Puerto Galera dahil sa Northeast Monsoon o Amihan na ang direksyon ay pahilaga patungo sa direksyon ng Verde Island passage.
Samantala, binigyang -diin ni Acosta na wala pa naman umanong fishing ban sa Batangas at hindi pa rin apektado ang ro-ro travel sa kasalukuyan. (Carl Angelo)