MILAGRONG nahukay nang buhay at nailigtas mula sa pagkakatabon ng bato at lupa ang isang musmos na batang babae na kabilang sa mahigit 100 katao na nawawala sa naganap na landslide sa Maco Davao de Oro, may 60 oras ang nakalipas.
Ang pagkakaligtas nang buhay sa batang biktima ay nagbigay lakas ng loob ngayon sa iba’t-ibang rescue units para magkumahog sa paghahanap pa ng mga nawawalang biktima ng landslides na pinangangambahang tuluyan nang natabunan nang buhay.
Nabatid na mano- mano o gumagamit ng pala ang mga rescuers para sa paghuhukay at paghahanap sa mga area na posibleng may mga survivors sa Barangay Masara.
“It’s a miracle,” ayon kay Davao de Oro Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Officer Edward Macapili.
Nabatid na dahil tatlong araw na ang nakalipas ay pinangangambahang maaaring patay na ang mga natabunan ng lupa.
Naganap ang naturang pagguho ng lupa noong nakaraang February 6, 2024, kung saan bukod sa mga natabunang bahay ay may tatlong bus at isang jeep ang nahagip din ng rumaragasang bato at lupang dumausdos mula sa itaas ng bundok sanhi ng pag ulan.
Batay sa inilabas na datos ng Philippine Army 1001st Brigade kagabi, umakyat na sa 11 ang kumpirmadong nasawi.
Pumalo na rin sa 110 indibidwal ang bilang ng mga nawawala at patuloy na pinaghahanap ng mga kinauukulan.
Patuloy naman ang pagtulong ng mga tropa ng militar partikular na ng 1001st Brigade sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa paghuhukay sa mga nawawalang biktima.
“That gives hope to the rescuers. A child’s resilience is usually less than that of adults, yet the child survived. We can see in the social media posts that the child did not have any visible injuries,” ani Macapili .
Kung maaalala, nagkaroon ng walang humpay na pag-ulan sa lalawigan dahil sa masamang lagay ng panahon simula pa noong nakaraang taon.
Ilang lugar pa rin sa lalawigan ang lubog pa rin sa baha.