Latest News

Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America

Mayor na tinambangan sa Quezon kinasuhan ang kalaban at 5 iba pa, SITG binalewala

POSIBLENG mauwi sa wala ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng pulisya na nag-iimbestiga upang resolbahin ang bigong pananambang kay Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America noong February 27, 2022, makaraang hindi nakipagtulungan sa SITG ang alkalde at sa halip ay direktang nagsampa ng kaso laban sa kanyang mga katunggali sa pulitika.

Matatandaan na ang SITG ay mabilis na binuo ng pulisya alinsunod sa direktiba ni Phil. National Police chief Gen. Dionardo Carlos kay Calabarzon Police Director Brig. Gen. Antonio Yarra isang araw makalipas ang pananambang kay America sa poblacion ng nasabing bayan ilang sandali matapos nitong magsimba kasama ang isang staff at driver.

Sugatan pero nakaligtas sa kamatayan si America at hindi naman nasugatan ang dalawa nitong kasama.


Ilang araw matapos makalabas sa ospital, ang alkalde ay nagsalita sa media at nagsabing pulitika ang dahilan sa likod ng tangkang pagpatay sa kanya.

At ilang araw matapos magbalik sa munisipyo, ipinagharap ni America ng kasong frustrated murder ang katunggali niyang si mayoral candidate Eriberto “Ebit” Escueta, incumbent Vice- Mayor Lord Arnel Ruanto, Bobby Vargas, Ronil Nolledo, Jorraffin Plantilla at Gilbert Pacio.

Sa kanyang salaysay, inakusahan ng alkalde sina Eacueta at Ruanto bilang mga mastermind sa pananambang.

Una rito, napag- alaman sa ilang police sources na sa pag- iimbestiga ng SITG, na binubuo ng iba’t- ibang police unit at pinamumunuan ni Quezon Police Director Col. Joel Villanueva, na identified na ang ilang suspect sa pananambang kabilang na ang mismong gunman gayundin ang motibo ng mga ito. Lumalabas umanong hindi pulitika kundi quarry operation at sugal ang pangunahing ugat ng pananambang.


Gayunman, ang kaso ay hindi pa naisasampa ng SITG sa piskalya dahil tumanggi umanong magbigay ng kanyang salaysay si America, bagay na naging palaisipan sa pulisya.

Bago pa man nagsampa ng reklamo ang alkalde, pinaninindigan nito na politically motivated ang pananaambang sa kanya bagama’t hindi ito ang lumalabas sa pagsisiyasat ng SITG.

Marami ang naniniwala na ang punongbayan ay ginagamit lamang ni Quezon Governor Danilo Suarez upang sirain ang imahe ng kanyang katunggali sa pulitika.

Ito ay sa dahilang sina Escueta at Ruanto ay kapartido at masugid na tagapagtaguyod ng kanyang katunggali sa 8 bayan ng Northern Quezon na kinabibilangan ng 3 coastal towns at 5 island municipalities.


Dahil sa ginawang hakbang ni America, posibleng mabalewala ang pagod, malaking gastos at mahabang panahon na ginugol sa pag- iembestiga ng SITG na binubuo ng Infanta Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, Quezon Police Provincial Office, Regional Intelligence Division, Criminal Investigation and Detection Office, Highway Patrol Group, Quezon Maritime Police Office, Provincial Crime Laboratory Office at Quezon Provincial Mobile Force Company.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read