LIMANG KASAPI NG MDRRMO RESCUE, PATAY

PATAY ang limang kasapi ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na sumama sa augmentation team ng mga rescuers na nagsasagawa ng rescue operation sa bayan ng San Miguel, na inilubog sa halos sampung talampakang lalim ng tubig-baha kasunod ng pananalasa ng super typhoon ‘Karding’ sa Luzon simula nitong nakalipas na Linggo.

Sa inisyal na ulat, dakong alas-10 kamakalawa ng gabi nang simulan ang rescue operation ng may 20 tauhan ng Bulacan PDRRMO, katuwang ang may 30 Philippine Army Scout Rangers at ang nasabing augmentation team na kinabibilangan ng mga nasawi.


Dakong alas-4 kahapon ng madaling araw ay nawalan na ng kontak sa nasabing grupo hanggang bandang alas-6 ng umaga, nang isa-isang matagpuan ang mga biktima na nakilala sa suot nilang uniporme sa may Sitio Galas, Barangay Kamias sa San Miguel.

Sa ibinahaging report ng Bulacan-LGU, sinasabing nilubog sa may sampung piyeng tubig baha ang lugar na nagpalambot ng lupa dahilan upang bumagsak ang isang malaking pader at mahagip ang mga biktima.

Tumanggi pang kumpirmahin ito ng Bulacan-PNP at maging ng Office of Civil Defense .


“They were deployed by the provincial government to a flooded area,” ani Lieutenant-Colonel Romualdo Andres, chief of police ng San Miguel municipality subalit walang detalyeng ibinigay sa mga mamamahayag hinggil sa dahilan ng insidente. (VICTOR BALDEMOR)


Tags: Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO)

You May Also Like

Most Read

Latest News