DEAD- on- arrival sa pagamutan ang isang 35-anyos na lalaki nang magulungan ito ng truck matapos na umihi sa Barangay Natividad, Barotac Viejo, Iloilo nitong nakalipas na linggo.
Sa ulat ng Iloilo- PNP, patay ang isang lalaki na kinilalang si Michael Sotelo nang masagasaan ito ng truck .
Ayon sa pagsisiyasat ng Barotac Viejo PNP, tumawid sa kalsada ang biktima para umihi sa kabilang bahagi at habang pabalik ang biktima ay nasagasaan ito ng paparating na truck. Hawak na ng Barotac Viejo PNP ang driver ng nasabing truck.
Samantala, patay din isang 56-anyos na babae nang aksidenteng mahulog sa sinasakyang traysikel sa Barangay Aripdip, San Rafael, Iloilo,
Nakilala ang biktima na si Lorna Lenarisas, ng Barangay Daan Banwa.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng San Rafael-PNP na may iniwasan na bola sa gitna ng kalsada ang traysikel na sinasakyan ng biktima dahil medyo mabilis ang takbo, dahilan upang tumagilid ang traysikel at tumilapon ang biktima na nakasakay sa likod ng driver.
Pumalo ang ulo ni Lenarisas sa kalsada pero agad ding naitakbo ng mga miyembro ng BFP San Rafael at MDRRMO San Rafael sa hospital subalit makalipas ang ilang oras ay namatay ang biktima habang ginagamot.
Nasa kustodiya na ng San Rafael PNP ang driver ng traysikel para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. (VICTOR BALDEMOR)