Agad na nasawi ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga di pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Taytay, Rizal.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Joselito Aquino, ng Sitio Bato-Bato 2, Brgy. Dolores, Taytay.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, dakong ala-1:45 umano ng hapon nang maganap ang krimen sa tahanan ng biktima.
Sa imbestigasyon, nakalap sa mga kapitbahay ng biktima na nagulat silang lahat nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa loob ng bahay ng biktima.
Nang tumigil ang mga putok, inalam ng mga residente kung ano ang nangyari at doon na nila nakitang nakahandusay ang biktima habang duguan at wala nang buhay.
Kaagad na ipinagbigay-alam ng mga residente sa awtoridad ang pangyayari.
Samantala. inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaril at pagkakakilanlan ng suspek.














