ISANG bangkay ng 22- anyos na ginang ang inutos na isailalim sa medico-legal examination upang makumpirma kung hinalay ito matapos na hukayin ang kanyang bangkay at ipatong sa ibabaw ng nitso sa loob ng Ocaña Public Cemetery sa Barangay Ocaña, sa lungsod ng Carcar.
Kasabay nito ang paghahanap ng Carcar City Police Station sa isang lalaki na itinuturing na person of interest na posibleng umanong nagsagawa ng paghukay sa bangkay.
Ayon kay Police Lt. Col. Bryan O’Neil Salvacion, hepe ng Carcar City Police Station, kahapon ng umaga ay natagpuan ang bangkay ng biktima na nasa labas na ng kanyang kabaong at walang saplot na pang-ibaba kaya hinihinalang ginahasa ito ng hindi pa kilalang suspek.
Nabatid na inilibing ang biktima noong Oktubre 19, 2024, matapos magkaroon ng kumplikasyon sa kanyang panganganak sa Vicente Sotto Memorial Medical Center noong buwan ng Setyembre pero namatay din noong Oktubre 9, 2024.
Kinumpirma ng mga awtoridad na mayroon na silang person of interest na posibleng may kakayahan na maghukay ng kabaong ng biktima kaya ipinag-utos na isalang ang bangkay sa forensic examination upang mapagtibay lalo ang kasong kasong necrophilia na isasampa laban sa suspek.