Kahit sa panahon ng kalamidad, BIFF, walang pakundangan ang pang-aatake

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Kinondena ni Major General Roy Galido, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang ginawang pang-aatake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa kasagsagan ng pagtama ng matinding baha sa Maguindanao.

Ginawa ni Major General Galido ang pahayag matapos na pagbabarilin ng teroristang BIFF ang tropa ng 40th Infantry (Magiting) Battalion at mga sibilyan habang nagbabantay ang mga ito sa pagkumpuni ng nasirang Kabulnan Bridge sa Brgy LabuLabu II sa bayan ng Datu Hoffer sa nasabing lalawigan alas-9:30 ng gabi nitong ika-4 ng Nobyembre.


Nasa 15 kasapi ng BIFF ang umatake na pinamunuan ni kumander Abdulkarim Lumbatan alias Boy Jacket at Kamhed Akan Kambal alias Mhedz mula sa Karialan faction.

Dahil sa pagganap sa kanilang tungkulin bilang tagapagtanggol ng mamamayan isang sundalo ang nagbuwis ng buhay habang dalawa naman ang sugatan sa isang oras at labinlimang minutong bakbakan.

Kinilala ang nasawi na si PFC Jomar Saladar habang sugatan naman sina Cpl Allan Rey Estanda at Pvt Carl Araña na kapwa binigyan ng medikal na atensyon.


Ang nasabing tulay ay nasira matapos na manalasa ang matinding baha sa malawak na bahagi ng Central Mindanao dulot ng “Bagyong Paeng.”

Nabatid na nanguna sa mga search, rescue at retrieval operations ang mga tauhan ng 6ID katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan sa kasagsagan ng mga pagbaha. Matapos nito ay katuwang pa rin ang mga sundalo ng Kampilan sa isinagawang relief operations sa mga kababayang naapektuhan ng nasabing kalamidad.


“What the BIFFs did to our soldiers is just to show that they have no heart in helping our countrymen even though we have been hit by severe floods here in our area. Masakit isipin na habang ang inyong mga sundalo ay buwis buhay sa pagsagip at pagtulong sa ating mga kababayan na naapektuhan ng pagbaha, ang BIFF naman walang ginawa kundi maghasik ng karahasan”, ang pahayag ni Maj. Gen. Galido.

Sa kabila nito ay patuloy ngayon ang pagtugis ng mga kasundaluhan sa mga umatakeng BIFF kungsaan isang improvised hand grenade naman ang nakuha ng mga sundalo sa isinagawang clearing operations. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: Major General Roy Galido

You May Also Like

Latest News