Kagamitang pandigma nabawi ng AFP-PNP sa Maguindanao del Sur

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Nabawi ng pinagsanib na pwersa ng 2nd Mechanized Infantry (Makasag) Battalion at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang mga kagamitang pandigma sa lugar kung saan nangyari ang tensyon sa pagitan ng dalawang grupo sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Ayun kay Brigadier General Oriel Pangcog, 601st Infantry (Unifier) Brigade Commander, ang mga nabawing gamit ay isang Cal. 38 revolver, isang granada, isang magazine, isang compass, isang bandolier, isang canister ng 81mm mortar at apat na canister ng 60mm mortar na mula sa magkaalitang grupo na 118BC at 105BC ng BIAF-MILF.


“Agad nating binigay sa PNP EOD ang nabawing kagamitang pandigma para sa wastong disposisyon ng mga ito”, pahayag ni Brig. Gen. Pangcog.

Hiniling ngayon ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na ihinto na ang dahas dulot ng paglalaban-laban ng magkaalitang grupo sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Ayun kay Maj. Gen. Rillera, hindi maituturing na isang kultura ang “Rido” dahil nagiging dahilan lang ito para mag-gantihan ang mga nag-aaway na grupo. Mas makabubuti aniya kung ipapaubaya sa umiiral na batas ang pangyayari.


“Hindi naman talaga naging kultura itong “Rido”, gantihan lang ito. Hindi ito dapat maging kultura na kapag may namatay ay papatay ka rin. Hindi tama iyon, ilagay natin sa tamang proseso”, wika pa ni Maj. Gen. Rillera.

Sa pagtutulungan ng AFP-PNP-LGU ay tinugunan ng 6ID at JTF Central ang sitwasyon alang-alang sa taumbayan at inosenteng sibilyan na nakakaranas ng pagdurusa bunga ng sigalot sa dalawang magkaalitang paksyon at para maiwasan na rin ang paglala ng kalagayang pang seguridad sa lugar.


“Ginampanan natin ang ating mandato para agarang maibsan ang tensyon alang-alang sa taumbayan at mga inosenteng sibilyan na nakararanas ng pagdurusa dahil sa nangyayaring kaguluhan. We will always secure peace and with the PNP, LGU and peace loving people, we will always be together for peace”, dagdag na pahayag ng 6ID at JTF Central Commander.

Agad din na tumugon ang Bangsamoro Risk Reduction and Management Council – Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (BARRM-READI) para makapaghatid ng tulong sa mga apektadong residente.


Isang peace dialogue naman ang isinagawa kasama ang AFP, PNP, Council of Elders, Municipal at Barangay LGU para makamit ang matibay at pangmatagalang solusyon sa problema.

Una sa lahat, nakipag-ugnayan ang JTF Central sa Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) upang mabigyang daan ang “peace process mechanism”.

Gayundin, nagsagawa ang iba’t ibang sangay ng gobyerno ng Inter Agency coordination meeting upang mapadali ang mga kinakailangang aksyon lalo na ang pagpapaabot ng mga pangunahing pangangailangan para sa mga IDPs.



Tags: Brigadier General Oriel Pangcog

You May Also Like