PINANGANGAMBAHAN ngayon ng mga awtoridad ang bayan ng Infanta, Quezon bilang posibleng crime capital ng Southern Luzon.
Ito ay makaraang matimbog ng National Bureau of Investigation (NBI) Task Force Against Illegal Drugs ang sampung kalalakihang sakay ng tatlong van na may dalang kontrabando at pinaghihinalaang sako-sakong shabu na nakatago sa Chinese teabags. Nahuli ang mga suspek sa ginawang checkpoint sa Barangay Comon sa bayan ng Infanta, Quezon nitong Martes.
Ayon kay Police Major Francis Aldrich D. Garcia ng Infanta Municipal Police Station (MPS), sila ay nakatanggap ng tip na may isang Nissan van ang may lulan ng mga ipinagbabawal na droga.
Sa naging imbentaryo ng pulisya, aabot sa mahigit kumulang 600 na pakete ng hinihinalang shabu na nakasilid sa Chinese teabag ang nakumpiska.
Isinasailalim na ng NBI sa pagsusuri ang ang mga nakuhang kontrabando, habang inaalam pa ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang pinanggagalingan nito at kung sino-sino pa ang sangkot dito.
Ang pagkakahuli ng hinihinalang sako-sakong shabu ay isa sa maraming krimen na nagaganap sa bayan ng Infanta.
Matatandaan na hindi pa katagalan nang maganap ang bigong pananambang kay Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America na kung saan ito’y tinamaan ng bala at nag pagamot sa isang pribadong ospital.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos, sisilipin nila ang lahat ng anggulong maaaring may kinalaman sa naging banta sa buhay ng Alkalde.
Sa sunod-sunod na krimeng nasasangkot ang bayan ng Infanta, malaking palaisipan kung ang krimeng naganap ay higit pa sa mga iringan, awayan sa quarrying o mas malalim pang dahilan kabilang na ang isyu ng droga.