Patay sa hambalos ng sariling anak ang isang 67-anyos na canteen owner sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Pasig City kamakailan, kung saan isinilid ang bangkay nito sa isang storage box bago itinapon sa isang liblib na lugar sa Bulacan.
Ayon sa ulat, naaagnas na ang bangkay ng biktimang si Ma. Elena Estella Villastique, 67, canteen owner, nang madiskubre ng mga awtoridad habang arestado naman ang kanyang anak na si Raymond, 28. Kapwa sila residente ng Barangay Villalamok, Pasig City.
Lumilitaw na naganap ang krimen noon pang Marso 4, kung kailan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ina nang akusahan umano ng biktima ang kanyang anak na kinuha ang pera niya.
Bigla umanong dumampot ng isang kahoy ang suspek at hinambalos sa ulo ang kanyang ina, na agarang ikinamatay nito at nang mapagtantong napatay niya ang kanyang ina ay binalot umano ng suspek ang biktima ng kumot at plastik at saka ito isiniksik sa isang puting storage box.
Nakuhanan pa ng CCTV si Raymond habang hinihila ang naturang kahon palabas ng kanilang bahay noong Marso 6.
Dinala umano ng suspek ang bangkay sa isang liblib na lugar sa isang sitio sa Brgy. Matictic, Norgazaray at itinapon doon.
Kalaunan ay ini-report naman ng mga kaanak na nawawala ang biktima nang may ilang araw itong hindi pumasok sa kanyang kantina, hanggang sa nitong Marso 11 ay nadiskubre ng mga barangay tanod ang bangkay ng biktima.
Ito ay nang may magsumbong na residente hinggil sa masangsang na amoy na nagmumula sa isang inabandonang storage box na selyado umano ng tape.
Tumestigo laban sa suspek ang anim na taong gulang na anak nito sa National Bureau of Investigation (NBI), na nakita niyang pinatay ng kanyang ama ang kanyang lola.
Kinabukasan, matapos na isang kaanak ang magturo sa kinaroroonan nito, ang suspek ay nadakip sa isang mall. Nakapiit na ang suspek at nahaharap sa kaukulang kaso.
Bagamat umamin ang suspek sa krimen at itinuro kung saan niya itinapon ang bangkay ng kanyang ina, iginiit nitong walang kinalaman sa pera ang krimen. (Jantzen Tan)