INANUNSYO ng Philippines National Police noong Sabado ang pagkaaresto sa isang miyembro ng PNP Highway Patrol Group na naaktuhan gamit ang sasakyan na na-recover sa Calamba, Laguna.
Kinilala ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang HPG agent na si Pat. Anthony Lacandazo, 42, at nakatalaga sa Regional Highway Patrol Unit 4-A — ang unit na nangangasiwa sa lahat ng operasyon ng HPG na may kaugnayan sa anti-carnapping, anti-hijacking at anti-highway robbery sa Calabarzon.
Si Lacandazo, residente ng Sta. Rosa City, Laguna, ay naaresto ng mga miyembro pinagsanib na puwersa ng CIDG Anti-Organized Crime Unit, HPG 4-at PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group 4-A sa Bgy. Laguerta, Calamba City noong Huwebes ng hapon.
Inaresto si Lacandazo matapos maaktuhan na gamit ang isang van na nauna nang inireport noong Hulyo 20 na na-carnap sa isang robbery-holdup sa Ayala Alabang in Muntinlupa City.
Pinahinto ang suspect ng kanyang mga kabaro matapos makita na ang plaka ng sasakyan ay kung tawagin ay “kambal” na plaka o plate number ay orihinal na naka-assign sa isa pang sasakyan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG-AOCU ang suspect.
Iniutos na ng pulisya ang manhunt operation sa iba pang kasangkot ng suspect sa illegal na gawain.
Mariing ipinaalala ni Azurin sa kapulisan na ipinagbabawal ang paggamit ng “unregistered, recovered, impounded and stolen vehicles and motorcycles” gayundin ang pag-aalis ng ano mang parte o accessories ng naturang mga behikulong.