Latest News

Gen. Carlos, pinasusuyod lahat ng anggulo sa failed ambush sa mayor ng Infanta

PINAKILOS na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos ang lahat ng kapulisan na suyurin ang lahat ng angulong maaring may kinalaman sa bigong pananambang sa buhay ni Infanta Mayor Filipina Grace America. Ito ay bukod pa sa malalang problema ng quarrying sa nasabing lugar.

Sinabi pa ni Carlos na hindi dapat na ipagkibit balikat at tratuhin ang naganap na bigong pananambang bilang isang election related violence kahit pa nalalapit na ang 2022 national and local election. Maraming anggulo, aniya ang kailangang tutukan at yun ang ginagawa ng PNP.

Samantala, sa panayam kay Mayor America, sinabi nito na may bahid ng pulitika ang pananambang sa kaniya. Ito ay sa kabila na hindi pa tapos ang ginagawang imbestigasyon ng PNP sa nasabing kaso.


Ayon pa sa alkalde na isang kilalang malapit na kaalyado ni Quezon Province Governor Danilo Suarez, ang utak sa likod ng pamamaril sa kaniya ay gawa umano ng kabilang grupong kumakalaban kay Suarez. Ito’y sa kabila ng walang kongkretong ebidensya na diretsong maiuugnay sa iringan sa pulitika.

Pinag-iingat naman ni PNP Chief ang kaniyang mga tauhan mula sa mga kaduda-dudang tao na magtatangkang ilihis ang imbestigasyon para lang sa pansariling agenda lalo na’t nalalapit na ang eleksyon.

Matatandaan na noong 2019 pinaslang ang dating driver ng alkalde na si Michael Cuento at tatlo pang indibidwal nang ang mga ito ay nakiramay.

Batay sa ulat, si Michael umano ang siyang target ng pamamaril dahil magkabilang beses itong pinaputukan nang malapitan.


Sa naging panayam noon kay Mayor America, pinabulaan nito ang anggulo ng pulitika kahit na nangyari ang insidente ng pamamaril noong 2019 Midterm Election. Ayon sa alkalde, ang motibo sa pagpaslang sa dati nitong driver ay dahil sa quarrying sa lugar kung saan ang biktima ay isang quarry permit holder.

Kaniya ring nilantad na may nauna nang pagbabanta sa buhay ni Cuento noong 2016 National Election subalit nabigo ito.

Tags: Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos

You May Also Like

Most Read