BUNSOD ng makapal na ashfall na ibinuga ng Bulkang Bulusan napilitang suspindihin ang klase sa tatlong paaralan sa Juban, Sorsogon kasunod ng pagsabog ng Bulkang Bulusan kamakalawa ng hapon.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga paaralang sinuspinde ang pasok kahapon ay ang Puting Sapa Elementary School, Sangkayon Elementary School, at Añog Elementary School.
Kabilang din sa mga lugar na apektado ng ashfall ay ang Juban, Casiguran, at Irosin.
Matatandaang mula sa Alert Level 0 ay itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 1 ang Mt. Bulusan matapos makapagtala ng phreatic eruption na tumagal ng 17 minuto.
Samantala, inihayag naman ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na posibleng magkaroon ng lahar flow mula sa Bulkang Bulusan, kung makakaranas ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan, partikular sa Northwest side ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng PHIVOLCS ang mga residenteng malapit sa bulkan na hangga’ maaari ay magsuot ng mga N95 face masks para maiwasan ang mga sakit na maidudulot ng ashfall.
Samantala kinumpirma ng National Disaster Risk reduction Management Council may 14 na hikers mula Cavite na nasa paanan ng Mt. Bulusan ang nailigtas ng mga otoridad.
Nabatid sa local MDRRMO , ang mga naturang mga hikers ay nasa paanan ng bulkan nang nangyari ang phreatic eruption dakong alas-10:37 ng kamakalawa ng umaga.
Ang mga tauhan daw ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa bayan ng Barcelona, Sorsogon ang tumulong sa mga hikers para makaalis sa nag-aalburutong bulkan.
Ayon kay Barcelona MDRRMO chief Leo Paul Ferreras, sinumulan daw ng mga hikers ang kanilang pag-akyat sa bundok dakong alas-11:00 ng umaga kamakalawa sa Barangay San Ramon.
Nalaman naman ng mga opisyal ng MDRRMO ang kalagayan ng mga hikers nang magsagawa ang mga ito nang pagpapatrol sa lugar para abisuhan ang mga residente na linasin na ang kanilang mga tahanan.
Sa ngayon, sinabi ni Phivolcs na dalawang bayan sa Sorsogon ang Juban at Casiguran ang tinamaan ng ashfall. (VICTOR BALDEMOR)














