Gigaquit, Surigao del Norte – NAKUBKOB ng mga tauhan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army ang pinagkukutaan ng mga teroristang New People’s Army (NPA) kasunod ilang minutong bakbakan sa liblib na lugar sakop ng Barangay Pungtod sa bayan ng Bacuag, Surigao del Norte kamakalawa ng umaga .
Bandang alas-6:45 ng umaga nang masabat ng 30th Infantry Battalion ang mga armadong kasapi ng communist terrorist Group habang nagsasagawa ng combat security patrol matapos na makatangap ng sumbong hinggil sa presensya umano ng teroristang grupo ng NPA na nananakot at sapilitang nanghihingi ng pagkain sa mga mamamayan sa nasabing lugar .
Sinabing biglang pinaputukan ng mga NPA na nagkukuta sa area ang mga sundalo kaya nagkaroon ng matinding sagupaan na tumagal ng may kalahating oras.
Pinaniniwalaan na mula sa Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) 16C2 at 16C1 ng Guerilla Front 16, Northeastern Mindanao Regional Party Committee (NEMRC) na pinamumunuan nina Alberto Castañeda at Roel Neniel ang grupo ng NPA na nakasagupa ng tropa ng pamahalaan na umatras din pagkatapos silang makubkob.
Nasamsam ng kasundaluhan ang isang Cal 5.56mm AR15 rifle, isang M203 Grenade Launcher, 13 pirasong mga bala ng AK47 rifle, 12 pirasong mga bala ng M16 rifle, isang detonating device para sa iligal na pampasabog o improvised explosive device (IED), subersibong dokumento at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.
Kung matatandaan, kaparehong grupo ng teroristang NPA ang nakasagupa din ng kasundaluhan ng pamahalaan sa karatig na lugar sa Brgy Payapag, Bacuag, Surigao del Norte nitong ika-28 sa buwan ng Abril 2022 na kung saan nakuhaan din ang NPA ng mga iba’t ibang kagamitang personal at pandigma.
Muling nagpahayag si Lt Col Ryan Charles Callanta, ang pinuno ng 30IB sa kanyang pasasalamat sa mga mamamayan na tumutulong sa pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mga Teroristang NPA.
“Nagpapasalamat po ako sa tiwala at suporta ng mga mamamayan sa walang humpay na pagbibigay ng mga impormasyon na kadahilanan upang palagi nating matunton ang grupo ng mga teroristang NPA kahit saan pa sila magtago sa anumang lugar dito. (VICTOR BALDEMOR)