Dinakip ng National Bureau of Investigation – Pampanga District Office (NBI-PAMDO) ang isang Chinese national sa aktong pagde -deliver ng tatlong babae na inorder para sa isang ‘overnight sex’ sa isinagawang entrapment operation, kamakailan sa Angeles City.
Kinilala ng NBI-PAMDO ang suspek na si Shen Xianbin, na inaresto matapos tanggapin ang ‘marked money’ mula sa Isang ahente ng NBI na nagpanggap na customer bilang kabayaran sa serbisyong ‘overnight sex’ noong Mayo 23 ng gabi.
Napag-alaman na Angeles City at Clark Freeport Zone sa Pampanga ang ruta ng suspek o lugar ng operasyon.
Sa imbestigasyon,nag- aalok umano ang suspek ng mga babae sa mga parukyanong dayuhan sa halagang P10,000 hanggang P15,000 para sa isang ‘overnight sex’ at inihahatid pa ang babae ng door- to- door sa parukyano sa pamamagitan ng Telegram platform.
Ipinapadala umano ng suspek ang larawan ng mga babaeng nagbebenta ng aliw at kapag nakapili na ang kliyente ay ihahatid ito sa hotel at sasalubungin naman ng customer.
Samantala, sinampahan ng NBI ng kasong paglabag sa R.A. 9208 as amended by R.A. 10364 o “Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012”,Ang suspek sa Angeles City Prosecutors Office.