BULKANG BULUSAN MULING SUMABOG, 4 NA BAYAN NATABUNAN NG ASHFALL

MADALING araw ng Linggo nang muling nataranta ang maraming residente sa ilang bayan nang muli sumabog ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon na ayon sa mga awtoridad ay mas malakas kompara sa pagputok nito noong nakaraang lingo kaya nagkaroon muli ng evacuation.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), alas-3:37 ng madaling araw nang muling magkaroon ng phreatic eruption ang bulkan, na tumagal nang 18 minuto.


“Base sa earthquake signal, kasi may mga signal ‘yung mga eruptions, mas malakas… ngayon itong kaninang madaling araw (kahapon) ,” sabi ni Phivolcs Director Renato Solidum.

Bagaman wala pang dahilan para itaas ang alert level ng bulkan, na nasa Level 1 pa rin, subalit nagbabala si Solidum na patuloy pa ring mararanasan ang pag aalburuto ng bulkan at posible pa ang mga susunod na pagputok.

“Ang character naman ng Bulusan Volcano ay ‘yung ganyan. May mga pasulpot-sulpot na eruption na hindi lang isang beses and then titigil na. Kaya marami siya na multiple phreatic events magmula pa noong many years ago,” paliwanag ni Solidum.


Dahil sa pagsabog, nabagsakan ng abo ang maraming barangay sa mga bayan sa paligid ng bulkan, na agad ding nilinis ng mga residente pagdating ng umaga.

Sinasabing may 12 barangay sa bayan ng Juban, Sorsogon ang nasapol ng pagbasak ng abo gayundin ang mga bayan ng Irosin, Casiguran at Castilla.


Agad namang kumilos ang mga tauhan ng Philippine Army, PNP Philippine Coast Guard habang agad ding nagsagawa rin ng flushing ng mga abo sa kalsada ang Bureau of Fire Protection, habang umalalay sa trapiko ang pulisya.

“Ang order is to stay indoor and then madaling araw kaya nasa loob naman ng mga bahay. Sa ngayon, medyo ano naman, base dito sa panahon natin, medyo humupa naman na,” sabi ni Arian Aguallo, spokesperson ng Juban disaster office.


May mga residente rin ang ayaw nang lumikas, “Sanay na [sa pag-alboroto ng bulkan], noon pa,” sabi ng isang residente.

Noong nakaraang Biyernes, may babala na mauulit ang ‘phreatic eruption’ anumang oras matapos ang unang insidente eksaktong isang linggo ang nakakalipas.

May 105 pamilya na binubuo ng 340 indibiduwal mula sa Barangay Putting Sapa sa bayan ng Juban ang kailangan ilikas sa Juban Evacuation Center and Gymnasium.



Sa ngayon, ayon kay Solidum, wala pa silang nakikitang senyales ng posibleng pag-akyat ng magma na maaaring magdulot ng mas malakas na pagsabog. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)

You May Also Like

Most Read