Kinondena ng pamunuan ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army ang pa-traydor na pag-atake ng Communist Terrorist Group (CTG) sa tropa ng gobyerno na ikinasawi ng sundalong opisyal sa Barangay Ramay, Oas, Albay, kamakalawa.
Una rito ay nakatanggap ng ulat ang Army 49th Infantry Battalion ukol sa isinasagawang extortion activity ng isang grupo ng communist terrorist group sa isang construction project sa lugar na agad nilang bineripika.
Pagsapit ng mga sundalo sa sinasabing lugar ay biglang umalingawngaw ang malakas na pagsabog mula sa itinanim na anti-personnel mine ng CPP-New Peoples Army na ikinasawi ni 2Lt. Nico Malcampo at ikinasugat ng tatlo pang sundalo.
Agad na sinundan ito ng sunod-sunod na putok na agad ding sinagot ng mga sundalo na nagresulta sa pagkasawi ng isang miyembro ng CTG, habang nasamsam ng tropa ang tatlong matataas na kalibre ng baril at iba pang kagamitang terorista sa pinangyarihan ng insidente.
Kaugnay nito, agad na nagpaabot ng kanyang pakikiramay si MGEN Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) sa naulilang pamilya ni Lt.Malcampo habang tiniyak naman ng heneral na hindi masasayang ang sakripisyong ginawa ng batang opisyal sa pagtatanggol sa bayan.
“Tayo po ay nakiki simpatya at nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya ni Lt. Malcampo. Ang kanya pong ipinakitang kabayanihan ay hindi matatawaran para lamang ipagtanggol ang ating bayan sa mga mapang-abusong Communist Terrorist Group (CTG), habang atin naman pong kinokondena ang patuloy na paglabag ng CTG sa International Humanitarian Law at Geneva Convention of 1949 dahil sa paggamit ng mga anti-personnel mine. Sa kabila nito,hindi po tayo panghinaan ng loob, bagkus lalo po nating paiigtingin ang ating operasyon upang matiyak na ang ating komunidad ay hindi madedehado sa paghahasik ng karahasan ng mga teroristang grupo”, ani MGen. Bajao.
Si Lt. Malcampo na 31- taong gulang ay produkto ng OCC Class 54-2020 na tubong Basilan at naulila ang kanyang isang taong gulang na anak na babae. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)