PATULOY na iniimbestigahan ng Bicol PNP at ng pamunuan ng PhilippineArmy ang motibo sa pamamaslang sa isang Philippine Army major sa loob ng Camp Weene Martillana dahil nag-suicide din ang suspek na isang Army captain nitong nakalipas na linggo sa bayan ng Pili, Camarines Sur, habang isang non-commissioned Officer din ang nasugatan sa nasabing shooting incident sa loob mismo ng military camp.
Sa inisyal na ulat na ibinahagi ni Maj. John Paul Belleza, Army’s 9th Infantry Division public affairs office chief, naganap umano pamamaril bandang 1:30 a.m sa loob ng finance satellite unit ng nasabing kampo.
Kinumpirma ni Philippine Army spokesman Col Xerxes Trinidad na kapwa nakatalaga ang mga nasawing opisyal sa 5th Finance Service Field Office Finance Center na kinilalang sina Maj Gary Masedman,finance executive officer ng 5th finance service field office na nasa loob ng Phil. Army 9th Infantry Division, samantalang ang suspek naman na sinasabing nagbaril sa sarili matapos ang pamamaslang ay kinilalang si Captain Martin Anosa, Jr.
“Nagkataon po na itong si Capt. Martin Anosa, Jr. ay binaril po si Maj. Masedman at injured itong si Sgt. Colico after ng isang heated argument…so ito pong bagay na ito ay isang insidente na still under investigation and itong imbestigasyon po ng Phil Army is para malaman po natin kung ano po ang mga puno’t dulo at the same po at maiwasan natin po ang mga ganito,” pahayag ni Col Trinidad sa isang panayam.
Base sa inisyal report na nakalap, nagkaroon ng matinding pagtatalo si Capt. Anosa at kanyang kasintahan na nauwi umano sa pagsusumbong ng babae sa CO ng nasabing tanggapan, subalit sumunod pala ang suspek at nang makita ang nasabing opisyal ay pinagbabaril ito at kasamang nahagip ng bala ang sugatang sarhento na kinilalang si Sgt Manuel Colico, Jr.
Tumakas ang suspek subalit makaraan ang ilang oras ay nakita itong patay na sa loob ng kanyang kuwarto at hinihinalang nagbaril sa sarili.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng PNP- Bicol at ng Hukbong Katihan sa insidente. (VICTOR BALDEMOR)