“WALANG kredibilidad ang anak ko para tumestigo”. Ito ang pahayag ng Pangasinan journo na si Jaime Aquino na mariin ding itinanggi ang mga paratang ng kanyang anak laban sa kanya dahil ito umano ay sinungaling, adik at nagpapagamit lamang sa mga taong maimpluwensya kapalit ang malaking halaga.
Sa isang press conference sa Aristrocrat Restaurant kamakailan, sinabi ni Aquino na ang kanyang anak na si Justine ay baon umano sa utang dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at nahaharap din umano ito sa patong-patong na kaso sa Pangasinan.
Iginiit pa niya na hindi nakapagtapos ng high school ang kanyang anak at hindi marunong magmaneho. Nagtataka din ang dating mamamahayag kung paano ito nakaharap sa isang press conference noong nakaraang linggo kung walang taong nasa likod nito at nagmamanipula.
Sa ginanap na prescon ay mariin ding pinabulaanan ni Aquino na may kinalaman ang mag-asawang Congresswoman Helen Tan at DWPH Regional Director Ronnel Tan na itinuturo ni Justine na nagbayad sa kanya (Aquino) para ituro ang isang konsehal ng Quezon province sa kasong panghahalay.
Bilang pagpapatunay aniya na na walang kredibilidad si Justine na tumestigo ay sinabi ni Aquino na noong Pebrero 2013 ay mayroon na rin kumuha sa kanyang anak na noon ay 16 anyos pa lamang para tumestigo laban sa mamamahayag para iugnay ito sa pagpatay sa dating Alkalde ng Infanta Quezon.
Dito naghain ng petition for writ of amparo si Aquino para makuha ang kostodiya ng anak dahil wala naman itong personal na nalalaman o naging saksi sa nangyaring krimen noong Disyembre 2012 sa Infanta.
Paliwanag ng dating mamamahayag hindi niya personal na kilala ang mag-asawa at minsan lang niya nakita si RD Tan sa isang coverage sa Pangasinan.
Samantala, tinangka ng People’s Tonight online na kunin ang panig ni Justine, pero hanggang sa sinusulat ang balitang ito.