Latest News

5 TERORISTA PATAY, 8 BOMBA NABAWI

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Walong bomba o improvised explosive device (IED) ang narekober habang limang miyembro ng teroristang Dawlah Islamiyah-Hassan Group ang patay sa isinagawang operasyon ng Joint Task Force Central sa mga bayan ng Pagalungan at Montawal, Maguindanao del Sur nitong nakalipas na linggo.

Ayon kay Col. Donald Gumiran, Commander ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade, nakatanggap ang mga kasundaluhan ng impormasyon mula mismo sa mga residente ng Barangay Dungguan, Montawal at Barangay Dalgan, Pagalungan na nagkakampo sa liblib na lugar ng Barangay Dalgan ang teroristang DI-Hassan Group na pinamumunuan ng isang nagngangalang Almoben Sebod.

Ayon sa ilang residenteng nagbigay ng impormasyon, nagpa planong magsagawa ng bomb attack sa mga matataong lugar sa probinsya ng Maguindanao at Cotabato sa pagbubukas ng Ramadan ang nasabing terrorist group.


Matapos ma-validate ang intell report mula sa iba pang mga impormante, ay mabilisang nagkasa ng operasyon ang JTF Central sa pamamagitan ng 602nd Brigade upang pigilan ang madugong plano ng teroristang grupo.

Maingat na tinungo ng kasundaluhan ang lugar na pinag kampohan ng mga terorista upang maiwasang magkaroon ng agarang putukan na maaaring maging sanhi na madamay ang mga inosenteng mamamayan ng nasabing lugar.


Matagumpay na nakalapit ang mga kasundaluhan subalit sinalubong din sila ng sunod sunod na putok ng mga terorista na nauwi sa humigit kumulang isang oras na mainit na sagupaan.

Kinailangan ng JTF Central ng artillery fire at air support bago tuluyang napasok ang kuta ng mga kalaban.


Sa ulat sinasabing limang terorist ang napaslang habang isa pa ang sugatan na nadakip habang tumatakas.

Sa clearing operation ay na-recover ang walong bomba o improvised explosive devices (IED) na sinasabing nakahanda na sanang ilatag ng grupo saknailang dsignated target.

Narekober mula sa nadakip ang isang calibre .45 pistol, mga bala ng Garand Rifle, mga sangkap sa paggawa ng IED at siyam na cellphones na ginagagamit din sa bomb detonation.

“Napigilan natin ang plano nilang pagbomba laban sa mga inosenteng sibilyan, gumawa ng pananakot at pananabotahe sa kapayapaan sa panahon ng Ramadan.

Matapos nating mabawi ang walong pampasabog mula sa teroristang grupo at matiyak na napigilan na natin ang madugo at karumaldumal nilang plano, ay agaran nating pinahinto ang operasyon upang bumalik sa normal ang pamumuhay sa mga apektadong lugar at makapagdiwang ng Ramadan ang mga residente nito sa kani-kanilang tahanan pahayag ni 602Bde Commander, Col. Gumiran.

Sa panayam kay Mayor Salik Mamasabulod ng bayan ng Pagalungan, nagpasalamat siya sa mga kasundaluhan sa matagumpay na pagpigil sa masamang plano at sa pagsamsam sa mga IED sa kamay ng mga terorista.

Nilinaw din nya na malayo sa komunidad ang nagging sagupaan ng sundalo laban sa teroristang grupo. Sa kabila nito, hinayaan nyang pansamantalang magtipon-tipon sa Dalgan Elementary School at sa karatig Barangay ang ilan sa mga mamamayan upang masiguro na hindi sila matamaan ng ligaw na bala.

Sa mensahe naman ni Major General Alex Rillera, Commander ng JTF Central at 6th Infantry (Kampilan) Division, pinahayag nito ang kanyang pakikiisa at paggalang sa pagdiriwang ng Ramadan.

“Sa ating mga kapatid na Muslim sa Central at South Central Mindanao, hayaan ninyong ipahayag ko na ang inyong Kampilan Troopers ay nakikiisa sa inyo sa pagdiriwang ng sagradong panahong ito.

Iginagalang at nirerespeto namin ang mga kakaibang hamon at oportunidad na dulot ng buwang ito. Kami ay kasama nyo habang tinutupad ninyo ang mga obligasyon sa pananampalataya at pagpapalalim ang inyong kaugnayan kay Allah.

Hindi hahayaan ng mga kasundaluhan na magtagumpay ang plano ng teroristang DI-Hassan Group na makapagsagawa ng karumaldumal na krimen na makakaantala sa pagdiriwang ng panahon ng Ramadan”, pahayag pa ni Maj. Gen. Rillera.

Kinilala din ni Maj. Gen. Rillera ang sakripisyo ng mga kasundaluhan para sa matagumpay na operasyon at pagsawata sa masasamang layunin ng mga kaaway ng bayan.

“Sa ating mga magigiting na kasundaluhan, ipinagmamalaki ng buong 6ID ang inyong dedikasyon na ipagtanggol ang karapatan ng mga inosenteng mamamayan laban sa grupong gustong maghasik ng karahasan. Ang ipinamalas nyong katapangan at sakripisyo ay nagpapakita ng tunay na katangian ng sundalong Pilipino”, ayun pa kay Maj. Gen. Rillera. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags: Col. Donald Gumiran

You May Also Like

Most Read