TATLONG DALAGITA ang magkakahiwalay na dumulog sa himpilan ng pulisya upang maghain ng sumbong laban sa kanilang malalapit na kaanak na paulit-ulit umano silang hinalay sa lalawigan ng Quezon.
Nagdadalang-tao na nang magsampa ng demanda ang isang dalagita sa bayan ng Sariaya, Quezon laban sa sariling ama na umano’y paulit-ulit siyang hinahalay hanggang sa mabuntis.
Kasama ang kanyang ina, dumulog sa pulisya ang dalagita makaraang madiskubreng nagdadalang-tao siya.
Ayon sa biktima, nangyari ang unang panghahalay ng kanyang ama noong August 16, 2021 nang sila lamang ang mga tao sa kanilang bahay at paulit-ulit na umano itong ginawa sa kanya sa tuwing maiiwan siyang solo sa bahay hanggang February 20.
Target na ngayon ng manhunt operation ang suspek makaraang sampahan ito ng kasong rape.
Sa Lucena City, isang 12-anyos na dalagita rin ang ginahasa umano ng kanyang amain nitong Miyerkoles ng madaling-araw habang sila ay natutulog sa kanilang bahay.
Ayon sa imbestigasyon, matapos ang panghahalay ay tinakot ng suspek ang biktima na huwag magsusumbong kahit kanino at pinangakuan ding bibigyan ito ng pera.
Nitong Miyerkules ng gabi, kasama ang isang kaanak ay nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima at isinumbong ang pangyayari kaya agad na inaresto ng mga pulis ang suspek.
Samantala, sa Tayabas City, isang amain din ang dinakip ng mga pulis matapos siyang ipagharap ng sumbong ng isang menor de edad ng pang-aabuso.
Base sa salaysay ng dalagita, nangyari umano ang unang panghahalay sa kanya noong Pebrero at paulit–ulit itong ginagawa hanggang nitong nakalipas na Lunes, July 25. (VICTOR BALDEMOR)