2 silid-aralan, itatayo ng GMA Foundation sa bayan Polillo, Quezon

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP CAPINPIN, Rizal – Dalawang bagong silid-aralan o Classroom Kapuso type school building ang ipatatayo ng GMA Kapuso Foundation Inc. kasama ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan sa Binibitinan Elementary School, Brgy. Binibitinan, Polillo, Quezon matapos ang isinagawang MOA signing nito lamang Mayo 10.

Pinangunahan nina GMAKFI Executive Vice President and Chief Operating Officer, Ms. Rikki Escudero-Catibog, 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander, Maj. General. Roberto S. Capulong, 202nd Infantry Brigade Commander, BGen. Cerilo C Balaoro Jr., 51st Engineer Brigade Commander, BGen Antonio C Rota Jr, mga kawani mula sa bayan ng Polillo sa pangunguna ni Mayor Hon. Angelique E. Bosque, at Department of Education sa pangunguna ni Public Schools District Supervisor, Dr. Leonora T. Mopera, ang pagsasagawa ng ceremonial groundbreaking at paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) upang pormal na umpisahan ang proyekto.

Lubos naman ang pasasalamat ni Polillo Mayor Bosque sa GMAKFI dahil isa ang Brgy. Binibitinan sa mga napili na maging benepisyaryo ng naturang proyekto. Buo rin aniya ang suporta ng Polillo LGU, kasama ang mga key stakeholders at security partners para sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon para sa mga kabataan sa kanyang nasasakupan.


Siniguro naman ni Ms. Rikki Escudero-Catibog sa mga taga-Polillo na makakayanan ng mga itatayong silid-aralan ang malakas na hangin na abot hanggang 300kph dahil isa ang isla ng Polillo sa kalimitang hinahagupit ng bagyo. Patuloy rin aniya nilang bibisitahin ang proyekto at siniguro na matatapos agad ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. Pinasalamatan rin nito ang Manila Water Foundation, SG SuperGlobe Inc, Cemex, Union Galvasteel, Hanabishi, at Mariwasa na syang mga sponsor sa naturang proyekto na nagkakahalaga ng tinatayang nasa P2.5 million.

Pinasalamatan rin ni Maj. General Capulong ang GMAKFI dahil sa kanilang inisyatiba sa pagsasagawa ng proyekto. Nagpasalamat rin ito sa pamahalaang lokal ng Polillo dahil sa kanilang buong suporta sa kampanyang pangkapayapaan ng pamahalaan na nagresulta sa pagdedeklara ng bayan ng Polillo bilang Stable Internal Peace and Security o SIPS kamakailan.

“Kami ay nagpapasalamat dahil ang 2nd Infantry Division, Philippine Army ay laging pinipili ng GMAKFI bilang kanilang katuwang sa pagsasagawa ng mga proyekto na makakabenepisyo sa mga mamamayan sa Timog Katagalugan. Ang mga itatayong silid-aralan ay mahalaga hindi lamang sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon kundi sa pagbibigay ng pag-asa sa bawat estudyante tungo sa kanilang magandang kinabukasan na may pagmamahal sa bayan at kapwa,’’ ayon kay Maj. General Capulong.

Dagdag pa ni Maj. General Capulong na ang 564 Engineer Construction Battalion sa pamumuno ni LtCol Delos Angeles at 1st Infantry Battalion sa pamumuno naman ni LtCol Escandor, ang direktang mamamahala sa nasabing proyekto upang masiguro ang agarang pagtatayo ng mga silid-aralan.


Tags: GMA Kapuso Foundation Inc.

You May Also Like

Most Read