15 kabahayan nasunog; mga kasundaluhan ng 6ID mabilis na sumaklolo

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Mabilis na rumesponde ang tropa ng militar sa nangyaring sunog sa EM’s Barrio, Camp Siongco, na nasa Barangay Awang, DOS, Maguindanao del Norte.

Sa inisyal na pagsisiyasat, sampu hanggang labinlimang mga kabahayan na halos ay gawa sa light materials ang natupok ng apoy na nagsimula alas-3:00 ng madaling araw kanina.


Mabilis namang nag-alarma at rumesponde ang Fire Truck ng Camp Siongco kasama ang mga tauhan ng 6th Installation Management Battalion (6IMB) at ng 6ID upang apulahin ang apoy.

Agad ding nakatawag ang 6ID sa mga bumbero ng Datu Odin Sinsuat at sa Bureau of Fire ng Cotabato City na mabilis din namang nakaresponde makalipas ang ilang sandali.

Sa bayanihan ng mga kasundaluhan ng 6ID, 6IMB, Bureau of Fire ng DOS at Cotabato City kasama ang mga residente ng EM’s Barrio, agad naapula ang apoy at naideklarang fire-out ang lugar ng sunog dakong alas-4:45 ng madaling araw.


Sa kabutihang palad, wala namang naiulat na nasawi o nasaktan na mga residente sa naturang sunog bagama’t natupok ang ilang mga kabahayan.

Sa kasalukuyan, inaalam pa ng Bureau of Fire ang danyos at ang sanhi ng sunog.


“Dahil sa maagap na pagresponde at bayanihan ng ating mga kasundaluhan, mga residente at mga bombero, napigilan pa ang paglawak ng pinsala ng sunog na ito. Tinitiyak namin dito sa 6ID ang kahandaan at pagiging alerto sa pagresponde sa anumang sakuna upang mabilis na makasaklolo sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong”, pahayag ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central.


Tags: Bureau of Fire Cotabato City

You May Also Like