Labinlimang diumano’y human trafficking victims ang nasagip ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippine Western Mindanao Command sa bayan ng Bongao, Tawi-Tawi.
Ayon sa AFP WESTMINCOM, kabilang sa mga nasagip ay sampung babae at limang lalaki na pinaniniwalaang pawang mga biktima ng trafficking in person.
Bago na-rescue ang mga biktima noong Pebrero 9 at 10, nakasakay silang lahat sa dalawang water vessel at ibibiyahe sana sa mga bayan ng Papar at Semporna sa Sabah mula sa Bongao.
Ayon sa militar, sasamahan umano sila dapat ng dalawang indibidwal na kinilalang “Gina” at “Marvin”.
Ang dalawa ang umano’y magpo-proseso ng mga papeles ng mga biktima para makapagtrabaho ang mga ito sa isang poultry farm sa Papar na pagmamay-ari ng isang Wei Chang, at sa isang palm oil plantation sa Semporna na pagmamay-ari ng isang Kikil Binti Muhaddan.
Dahil dito, inatasan ni Lt. Gen. Roy Galido, Commander ng Western Mindanao Command ang kanyang mga tauhan na; “Let us all be vigilant and avoid illegal recruitment and human trafficking schemes.”
Pinaalalahanan din niya ang mga TIP victims na huwag magpalinlang at magpadala sa mga magagandang pangako na gagawin ang lahat para lang kumita.
“Be reminded that we cannot travel abroad without appropriate documents and legal processes,” paalala pa ni Lt. Gen. Galido sa mga nasagip na iniutos niyang madala sa DSWD 9. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














