LABINDALAWANG (12) miyembro ng New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Masbate ang piniling talikuran ang rebeldeng samahan sa mismong pagunita nito ng ika-limangpu’t tatlong (53rd) anibersaryo, ayon kay PNP-PRO5 Director PBgen Jonnel C Estomo.
Dakong alas diyes ng umaga kahapon Marso 29, 2022 sa Brgy. San-Juan, Mandaon, Masbate sumuko ang 12 NPA sa pinagsamang operatiba ng Masbate 1st PMFC 2nd Mobile Force Platoon, Mandaon MPS sa pakikipag-ugnayan sa PIU-Masbate PPO.
Kabilang sa mga sumuko ang may mataas na katungkulan bilang Platoon, Commanding Officer, Sentro De Grabidad na itinago sa pangalang alyas “Rembo” at ang sampu nitong mga kasamahan na pawang mga miyembro ng Larangan Central, KP4-Masbate, BRPC sa ilalim ng kumand ni Luding Tolingin @”KA DADY”.
Dagdag pa rito ang isa pang kasapi ng L1, KP4-Masbate, BRPC sa ilalim ng Eddie Rosero @ “KA STAR” na itinago sa pangalang alyas Victor.
Kanila ring isinuko ang isang INGRAM na may serial 043871 at kargado ng sampung (10) rounds 9mm ammunition; isang (1) unit Magnum 357 revolver na mayroong anim (6) na rounds ammunition; dalawang calibre .38 rebolber na may tig-limang bala; at dalawang (2) unit 12 gauge shotgun at tig-anim na bala para sa mga ito.
Ang mga rebel returnees pati na rin ang mga armas nito ay nasa kustodiya ng Masbate 1st PMFC para sa kaukulang disposisyon.
Ang pagtiwalag ng mga ito sa samahan ay bunga ng puspusang paglulunsad ng kapulisan ng Retooled Community Support Program (RCSP)-Counter White Areas Operations at RCSP- Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAS). Ito ay naging daan upang hikayatin at kumbinsihin sumuko ang mga indibidwal na biktima ng panlilinlang at kasinungalingan ng NPA.
Ang mga sumuko ay nakatakdang ipasok sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) para mas epektibong matulungan ang mga kaanib ng CPP-NPA at Militia ng Bayan na nais magbalik sa pamahalaan at pamayanan upang makapiling muli ang kanilang pamilya.
Ang PNP Bicol katuwang ang Philippine Army ay magkaisa at magkatulong sa pagsugpo ng terorismo sa rehiyon. Mas pagsusumikapan nitong iangat ang kalidad ng serbisyo at patunayan na ang kapulisan at kasundaluhan ay kakampi nila sa pagkamit ng mas maayos na buhay. (VICTOR BALDEMOR)