UMABOT na pala sa halagang ?479 milyon ang kabuuang nasabat na iligal na droga ng Bureau of Customs-NAIA (BOC-NAIA) mula pagpasok ng taong 2026 pa lamang.
Siyempre pa, ‘yan ay dahil sa mahigpit na tagubilin ni President Ferdinand R. Marcos, Jr. at BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na gawin ang lahat upang mapalakas nang husto at mapigilan ang anumang pagtatangka na magpasok sa Pilipinas ng lahat ng uri ng iligal na droga.
Lahat ng huli ng BOC-NAIA ay naging matagumpay sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Atty. Maria Yasmin Mapa at kaagapay din sa mga matagumpay na operasyon nito ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).
Kasama din sa mga nagtrabaho nang husto sina entry processing division chief Dr. Mark Jhon Almase at BOC-NAIA deputy collector for passenger services Karen Go.
Ayon kay Mapa, ang BOC-NAIA ay walang humpay sa pagpapalakas ng operational controls at inter-agency coordination upang magkaroon ng ‘sustained pressure’ laban sa mga drug smuggling networks na ginagamit ang mga air cargo at courier route sa kanilang iligal na operasyon.
Sa tuwi-tuwina ay pinapupurihan naman ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang magagandang trabaho ng grupo ni Atty. Mapa na aniya ay nagpapakita lamang ng kahalagahan ng patuloy na pagbabantay at malakas na inter-agency coordination. Kahit ano pang gimik na gawin ng mga nagpaparating kesyo may gumagamit pa ng wooden books at maging librong bible hindi makakalusot sa mga alertong tao ni Atty. Mapa.
Ani Nepomuceno, ang patuloy na pagkakasabat ng mga iligal na droga, kahit pa sa mga unclaimed o abandonadong shipments, ay malinaw na pruweba na nananatiling alerto at proactive ang mga enforcement units ng bansa, lalo na ng BOC-NAIA.
Tiniyak din niya na hindi titigil ang BOC sa pagpapalakas ng kooperasyon sa mga partner- agencies upang patuloy ding mapigilan ang paggamit sa mga ports ng bansa bilang daan upang magpasok ng mga dangerous substances sa bansa.”
Ang mga nakumpiskang iligal na droga ay kinabibilangan ng shabu, marijuana at ecstasy ay hindi biro ang halaga at quantity.
Kung ang mga ito ay hindi nasabat ng BOC-NAIA at nakalusot sa bansa, isipin na lang ang dami ng buhay na mawawasak lamang dahil sa iligal na droga.
Dahil diyan ay masasabi nating kapuri-puri talaga ang uri ng pagta-trabaho na ipinamamalas ng BOC, partikular na ng BOC-NAIA na sunod-sunod talaga ang malalaking huli ng iligal na droga.
Tunay na masasabing hindi sila natutulog sa pansitan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














