Aminado ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na wala pa rin silang nakukuhang proof of life para sa 34 na nawawalang mga sabungero sa gitna ng puspusang imbestigasyong isinasagawa ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kaso.
Ayon kay PNP Gen. Rodolfo Azurin, Jr., hindi pa rin nila makumpirma sa ngayon kung nasaan na ang mga nawawalang sabungero kaya nanatiling hindi makumpirma ng mga awtoridad Philippine National Police (PNP) kung may patunay ng buhay ang 34 missing na sabungero.
Sinabi ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. na inaasahan na ng kanilang hanay ang “pinakamasamang” nangyari sa mga sabungero at patuloy na hahabulin ng PNP ang hustisya para sa kanila kung anuman ang nangyari sa mga nawawalang “sabungero.”
Nanatili umanong mga maliliit na ebidensiya pa lamang ang kanilang nakakalap gaya ng mga cellphone at ilang piraso ng mga ebidensyang unti-unti nilang narekober.
Una rito, sinabi ng PNP na wala pa ring mapagkakatiwalaang lead sa kinaroroonan ng 34 na mahilig sa sabong na nawawala mula noong nakaraang taon mula Batangas , Laguna Maynila at Cavite.
Magugunitang, inilabas ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang composite sketches ng dalawang suspek sa pagkawala ni Michael Bautista, isa sa 34 na nawawala, sa Sta, Cruz, Laguna.
Una nang nagsampa ng mga reklamo laban sa walong natukoy na tao at ilang ‘John Does’ na sangkot sa kaso ng Manila Arena, at laban sa limang tauhan ng pulisya at kanilang mga kasamahan sa kasong kidnapping ni Ricardo Lasco noong unang bahagi ng taon.
Umaasa umano ang PNP chief na dahil sa mga nakakakalap nilang ebidensya at pagkakaroon kamakailan ng breakthrough sa kaso ay matutunton din ang kinaroroonan ng mga ito.
Matatandaan na noong nakalipas na linggo ay sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention ng PNP sa Department of Justice (DOJ) ang dalawa pang suspek na nakita sa isang secret cellphone video na kasama ng isang nawawalang sabungero sa Laguna. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)