Itinanggi ng Malakanyang ang kumakalat sa social media na idineklara ang Agosto 9 bilang isang special non-working holiday bilang parangal kay dating Pangulo Fidel V. Ramos
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, walang inisyu na proklamasyon ang Malakanyang.
“Huwag po tayo maniwala sa mga kumakalat na post sa Facebook at sa iba pang social media platform na idinedeklarang special non-working holiday ang August 9, 2022,”ayon kay Angeles sa kanyang Facebook post.
“Hindi po ito totoo at walang inilalabas na anunsyo o proklamasyon tungkol dito ,” dagdag ni Angeles.
Pinayuhan rin ni Angeles ang publiko na maging mapanuri sa mga post at sa kanilang nababasa sa social media.
Tinukoy ni Angeles ang umano’y proclamation no. 34 na nagdeklara sa Agosto 9 bilang non-working holiday bilang parangal kay Ramos.
Ito umano ay parehas sa format na ginagamit ng palasyo sa pag-iisyu ng proklamasyon ng Pangulo.
Una nang nagdeklata ang Malakanyang ng 19 na araw ng pagluluksa o “national.mourning” na tatagal hanggang Agosto 9 at bibigyan rin umano ng state funeral na may full military honors sa Agosto 9 ang namayapang FVR. (Philip Reyes)