Pipilitin ng Commission on Elections (Comelec) na tapusin ngayong Martes ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato para sa para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, natapos na ang canvassing ng mga balota sa 41,249 presinto sa buong bansa. Ito aniya ay kumakatawan sa 98.21% ng kabuuang 42,001 presinto.
Batay sa datos ng Comelec, lumilitaw na ang National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Central Visayas, at Northern Mindanao ay nakatapos na ng canvassing ng mga boto.
Nasa 92.7% na rin aniya o 38,937 presinto ang nakapag-proklama na ng mga nanalong kandidato.
Ipinaliwanag ni Garcia na may ilang presinto na lamang ang hindi pa nakapagproklama ng mga winning candidates dahil nag-tie ang boto ng mga ito.
Inatasan naman na aniya ng Comelec en banc ang kanilang mga regional directors na kaagad na desisyunan ito, sa pamamagitan ng draw lots o toss coin.
Pahayag pa ni Garcia, hindi na dapat pang patagalin at dapat na maiproklama nila ang lahat ng nanalong kandidato ngayong araw.
“We should proclaim the winning candidates at all costs today. Hindi pwedeng patagalin o ipagpaliban pa,” ani Garcia. “Hopefully this afternoon, matapos ang lahat ng canvassing and ‘yung subject ng proclamation.”