Ipinagmalaki ng Department of Transportation (DOTr) sa publiko ang kasalukuyang progreso ng kauna-unahang subway system sa bansa.
Nitong Lunes, itinour ng mga opisyal ng DOTr ang mga miyembro ng media upang ipakita sa kanila ang kasalukuyang progreso ng Metro Manila Subway Project (MMSP) sa Valenzuela City.
Ayon sa DOTr, target nilang makumpleto at maging full operational ang proyekto, na may habang 33-kilometro, sa taong 2029.
Sinabi ng ahensiya na sa sandaling matapos ang proyekto, na may bilis na 80kph, asahan na ang mas maikli, kumbinyente, at kumportableng biyahe mula at patungong Valenzuela City hanggang NAIA Terminal 3, dahil magiging 41 minuto na lamang ito, kumpara sa kasalukuyang biyahe na isang oras at 30 minuto.
Inaasahan rin ng DOTr na mahigit 519,000 pasahero kada araw ang gagamit ng subway sa unang taon ng serbisyo nito.
Ipinagmalaki pa ng DOTr na ang MMSP ay may disaster-resilient features at cutting-edge facilities.
Anang DOTr, hindi ito basta-basta lang, dahil advanced technology mula pa sa Japan ang ginamit sa pagtatayo nito.
Dagdag pa rito, seamless connectivity din ang hatid ng proyekto para sa mga mananakay, dahil konektado rin ang subway sa mga istasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), Line 2 (LRT-2), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Line 7 (MRT-7), at Philippine National Railways (PNR).
Target rin umano nilang maikonekta rito ang pinaplanong MRT-4, gayundin ang North-South Commuter Railway (NSCR) Project.