SINIMULAN nang tutukan ngayon ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang pagsikad ng campaign period sa Metro Manila.
Ayon kay Regional Director PBGen. Anthony Aberin, titiyakin ng PNP-NCRPO ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa Metro Manila, ngayong nagsimula na ang kampanyahan para sa mga lokal na kandidato na magtutunggali para sa 17 mayoral posts at 33 congressional seats ngayong May 2025 midterm polls.
Sisiguraduhin din umano ng kapulisan na magiging ligtas at mapayapa ang mga pagpupulong ngayong panahon ng kampanyahan sa Kalakhang- Maynila, hanggang sa aktuwal na bilangan ng boto at maiproklama ang mga nagwagi.
Magkakaroon din ng dagdag na presensya ang mga pulis sa mga matataong lugar, mga campaign rally at iba pang pampublikong pagtitipon sa Metro Manila, kabilang ang lungsod ng Maynila.














