Wala nang buhay nang madiskubre ang isang 24-anyos na lalaking problemado umano sa kanyang kinakasama, kamakalawa ng gabi sa inuupahang kuwarto sa Building 26 Temporary Housing, Aroma Compound , Tondo, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PCpl Sir Christian Joseph Pineda ng Manila Police District -homicide section, alas-6:30 ng gabi nang madiskubre ang ginawang pagpapakamatay ng biktimang si Oliver Novero, nakatira sa nabanggit na lugar.
Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima na naninigarilyo dakong hapon.
Pumunta umano sa bahay si Jenny Tenedoro, kapatid ng kinakasama ng biktima pero laking gulat nito nang makita ang biktima na nakabigti gamit ang kulay brown na tali at wala nang buhay kaya kaagad niya itong pinagbigay- alam sa barangay.
Sa impormasyong nakuha ng pulisya, nitong mga nakalipas na araw ay nagkaroon umano ng problema ang magka-live in sa kanilang pagsasama at meron din umanong problema sa pera ang dalawa na posibleng ininda ng biktima kaya nagawa nitong magbigti.