PRIVATE ARMED GROUPS, TUTUTUKAN NG AFP AT PNP

BUNSOD ng utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong”’ Marcos, tututukan ngayon ng Armed Forces of the Philippines katuwang ang Philippine National Police, ang pag-dismantle sa mga PAGs or Private Armed Groups.

Ayon kay PNP Public Information office Chief Police Col Redrico Maranan, nakikipag-ugnayan sila ngayon sa AFP para magkatuwang nilang mapagsikapang buwagin ang mga private armed goons ng mga pulitiko at hinihinalang warlords na nagmamantina ng mga armadong indibidwal.


Kasunod ito ng kautusan ng Pangulong Marcos matapos ang sunod-sunod na pananambang sa ilang local government officials, kung saan pinakahuling pangyayari ay ang pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa nung Sabado.

Samantala, target ngayon ng imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group Degamo ang posibleng may-ari ng mga ginamit na baril at getaway vehicle sa Degamo slay case.

Sinasabing natukoy na ng PNP ang mga registered owner ng mga na-recover na high-powered firearms at mga sasakyan na ginamit ng mga suspek sa pamamaslang kay Governor Roel Degamo.


Nabatid na sumailalim na sa verification ng PNP-Firearms and Explosives Office ang mga nakumpiskang baril habang tinututukan naman ng PNP-Highway Patrol Group sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office ang pagkakakilanlan ng mga may-ari ng mga sasakyang ginamit sa krimen.

Sinasabing may identity na umano ang mga registered owner ng mga ginamit na getaway vehicle ng mga suspek sa naturang krimen at kasalukuyan na rin itong tinututukan ng PNP-highway patrol group.


Pansamantalang hindi muna inihayag ng PNP ang pagkakakilanlan ng mga sinasabing may-ari o registered owner ng mga sasakyan na na-recover sa isinagawang ‘hot pursuit operation’ matapos abandonahin sa Barangay Kansumalig, Bayawan City. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: PNP Public Information office Chief Police Col Redrico Maranan

You May Also Like

Most Read

Latest News