PINAIGTING ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya nito sa West Philippine Sea, base sa ibinabang direktiba ng Department of National Defense bago pa ang nakatakdang pagtungo kahapon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. sa China para sa kanyang three-day official state visit.
“We are intensifying our presence there as directed by DND, ani AFP Spokesman Col Medel Aguilar. This is in line to the policy direction stated by our Commander-in-Chief at the WPS,” ani Aguilar .
Sinasabing paninindigan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa nakatakdang pakikipagpulong nito kay Chinese President Xi Jinping.
Bago ang kanyang pagtulak kahapon patungong China , inihayag ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag sa Villamor Airbase sa Pasay City na sa kanyang three-day trip ay pipilitin niyang maresolba ang security issues sa pagitan ng China at ng Pilipinas.
Sa pre-departure briefing sa Malacanang, sinabi ni DFA Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs Nathaniel Imperial na malinaw naman ang naisin ng Pangulo na maging mapayapa at stable ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Inihayag ni Imperial na tatalakayin ni Pang. Marcos ang buong bilateral relations ng Pilipinas sa China mapa-positibo man o sensitibong aspeto, kabilang ang mga aktibidad ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
Sinasabing hindi naman limitado lamang sa maritime issue ang relasyon ng dalawang bansa, bagama’t batid ng punong ehekutibo ang kahalagahan ng isyung ito sa interes ng bansa at sa mga Pilipino.
Posibleng rin umanong ipagpapatuloy ng Pangulo ang pakikipag-usap kay President Xi hinggil sa oil at gas exploration.
Layunin ng nasabing state visit na itaas ang antas ng relasyon ng Manila sa Beijing sa ” higher gear” sa gitna ng tension sa West Philippine Sea.
Iniimbitahan din umano ni Pangulong Marcos, Jr., ang mga Chinese national na bumisita, mag-aral at maglagak ng negosyo rito sa bansa.
Sa departure message ng Pangulo, sinabi nitong mahalagang manatili ang pagkakaibigan sa mga Chinese at mapalakas ang ‘people- to-people exchange’ para mas magkaunawaan ang bawat bansa.
Ang panawagang ito ay sa harap ng pagsusulong ng Pangulo na maibalik na ang sigla ng turismo at cultural cooperation sa pagitan ng China at Pilipinas.
“I look forward to my meeting with President Xi as we work towards shifting the trajectory of our relations to a higher gear that would hopefully bring numerous prospects and abundant opportunities for the peace and development of the peoples of both our countries,” aniya sa mga mamamahayag.
“I also look forward to discussing political security issues of a bilateral and regional nature. The issue between our 2 countries are problems that do not belong between 2 friends. We will seek to resolve those issues to the mutual benefit of our two countries,” dagdag pa ng Pangulo. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














