Pinaplantsa na ng Manila Police District (MPD), ang preparasyon para sa 2024 Traslacion ng Poong Itim na Nazareno.
Napag-alaman kay MPD chief Col. Arnold Thomas Ibay na na nagsagawa na ng “walkthrough” ang mga kinatawan ng Quiapo Church, pulis at mga kinatawan ng iba”t-ibang government agency sa mga daraanang ruta ng Itim na Nazareno.
Nagsimula ang ‘walkthrough’ sa Quirino Grandstand at nagtapos sa Simbahan ng Quiapo.
Isinagawa ang ‘walkthrough’ para matiyak ang kaligtasan ng mga deboto na inaasahang lalahok sa ‘Traslacion’ sa Enero 9, sa Kapistahan ng Black Nazarene, ani Ibay.
Matatandaan na tatlong taong nahinto ang ‘traslacio’ dahil sa COVID-19 pandemic.
Noong 2021, nagkaroon lamang ng “Pagtanaw” sa imahe ng Itim na Nazareno, habang noong 2022 ay walang ‘traslacion’ at nagkaroon lamang ng on-line mass, samantalang itong 2023 ay nagkaroon lamang ng pagpupugay sa halip na pahalik.
Sa darating na 2024 ,ibabalik ang pagdaraos ng ‘Traslacion’ na nakaugalian na sa tuwing Pista ng Itim na Nazareno.