NILINAW ng Commission on Election(Comelec ) na isang “human error” ang pagkakasama ng isang pre-shaded ballot na naipamahagi sa mga Filipino absentee voters sa Singapore.
Iginiit ni Garcia na nag-iisa lamang ang naturang pre-shaded ballot.
“Mayroon daw pong may shade na balota.Spoiled ballot po ‘yon. Unfortunately, for whatever reason ,naisama naman ng ating electoral board dito sa kabuuan ng balotang valid o good ballots,” ayon kay Garcia.
Inamin ni Garcia na siya ay kinabahan sa naturang pangyayari
“Kinabahan ako, ballot ba ito o ballots? Ballot lang po, isa lang ,human error po ito,”dagdag ni Garcia.
Nauna dito, isang Pilipinang data scientist na si Cheryl Abundo na naka-base sa Singapore ang nabigyan ng “pre-shaded” ballot nang bumoto sa Philippine Embassy noong Lunes.
Nilinaw naman ng embahada na ito ay isang “spoiled ballot ” mula sa isang botante na bumoto noong Linggo,unang araw ng overseas absentee voting para 2022 presidential elections.