BINALAAN ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang ibang opisyal at tauhan ng kanilang tanggapan na mahigpit na sumunod sa mga alituntunin at patakaran na inilatag ng pamahalaan.
Ang warning sa mga pasaway na kawani ng PPA ay kasunod ng pagkakasibak sa walong opisyal ng Port Management Office (PMO) ng Bohol matapos silang makita sa closed-circuit television (CCTV) na nag-iinuman sa loob mismo ng multi-purpose hall ng opisina ng pantalan.
Agarang tinanggal sa puwesto ang walong opisyal at tauhan ng Port Management Office sa Bohol dahil sa pag-iinuman sa opisina.
Ayon kay Santiago, isang uri ng pang-aabuso ang ginawa ng mga opisyal na ginagamit ang pasilidad ng gobyerno na nakalaan sana sa pagbibigay serbisyo sa taumbayan.
Kabilang sa mga sinibak sa puwesto ay sina Acting Port Manager ng Bohol na si Tyrone Agaton na siyang nagdiwang ng kanyang kaarawan sa araw na nabanggit, PMO-Bohol Services Division Manager Julius Jumangit gayundin sina Atty. Sherlito Columnas Jr. ng Legal Department, Safety Officer Atty. Romeo Cabading II at mga Port Police na sina Edcel Epan, Victor Cagulada, Mary Maricka Aguirre, Meljann Oronan, at Emily Ross Tubio.
Ayon kay Santiago, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa lahat ng tanggapan o opisina maging sa nasasakupan ng pamahalaan base na rin sa regulasyon na inilabas ng Civil Service Commission (CSC) at ng Department of Transportation (DOTr).