Latest News

PPA, INALERTO ANG LAHAT NG TAUHAN

By: Victor Baldemor Ruiz

IPINAG-UTOS ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na alertuhin ang lahat ng kanilang mga tauhan sa darating na ‘long weekend’ dahil sa inaasahang pagdagsa ng mahigit 1.6 milyong pasahero sa iba’t -ibang pantalan sa buong bansa kaugnay sa paggunita ng Todos Los Santos.

Inalerto ni GM Santiago ang buong manpower ng ahensiya para tiyakin ang seguridad at matiyak na magkakaroon ng maayos na operation sa lahat ng kanilang mga puerto ngayong Undas .

Una nang inatasan ni Santiago ang mga pinuno ng departamento na tiyakin ang sapat na bilang ng mga tauhan, mula sa mga operasyon hanggang sa seguridad sa pantalan.


Kaugnay nito ay kinansela ng pangkalahatang tagapamahala ng PPA ang lahat ng leave of absence na inihain ng kanilang mga kawani PPA mula Okt. 25 hanggang Nob. 4

Ilang araw bago pa ang paggunita ng “Araw ng mga Patay” ay inaasahan ng PPA na humigit-kumulang sa 1.6 million na pasahero ang maglalakbay sa mga PPA port sa panahon ng Undas ngayong taon, limang porsyento na mas mataas umano kaysa noong nakaraang taon na 1,544,313.

Taong 2023, naitala ng Port Management Office (PMO) ng Panay/Guimaras ang pinakamaraming traffic ng pasahero sa 146,781 na pasahero, sinundan ito ng PMO Batangas sa 146,710; PMO Mindoro sa 143,904; PMO Negros Orr/Siquijor sa 129,880 at PMO Bohol sa 127.

Samantala, tiniyak din ng PPA ang maayos na port operation matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine na nagdulot ng humigit-kumulang P110.76 milyong halaga ng pinsala sa mga daungan sa buong bansa.


Inatasan din ni Santiago ang mga port manager na magbigay ng priority assistance sa mga relief operations—partikular na ang power restoration teams at government delivery trucks—sa mga lugar na apektado ng Tropical Storm Kristine.

Kahapon nag hayag ng trip cancelation ang PPA dahil sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Leon na pinangangambahang magiging isang ganap na super typhoon.

Kinansela ang biyahe ng lahat ng fast craft sa Mindoro papuntang Batangas at pinigil din ang biyahe mula Bicol ng MV “Virgen de Peñafrancia Tres Reyes” na maglalayag papuntang Pasacao, Camarines Sur – San Pascual, Masbate.

Nilinaw ng PPA na hindi sila ang nagkakansela ng paglalayag at nakabase umano sila sa mga inilalabas na ‘no sail policy’ ng Philippine Coast Guard.


“If the PCG issues no sail policy based on Pagasa forecast, trips are automatically cancelled because ships are not allowed to sail. Shipping lines may also cancel trips subject to compliance with the terms of their CPC issued by Marina,” paliwanag pa ng ahensya.

Tags: Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago

You May Also Like

Most Read