Tinatayang aabot sa 5.1 milyong pasahero ang dadagsa sa mga daungan sa bansa upang bumiyahe ngayong holidays.
Sa pagtaya ng Philippine Ports Authority (PPA), ito ay mas mataas sa 4.7 milyong pasahero lamang na naitala nila noong nakaraang taon.
Nabatid na nagtalaga naman ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mga personnel sa loob at labas ng mga daungan upang magbantay.
Hiniling rin nila sa mga operator ng mga sasakyang pandagat na tiyaking nasa maayos na lagay ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe.
Mahigpit rin ang habilin ng PCG na iwasang magkaroon ng overloading ng mga pasahero upang makaiwas sa posibleng aksidente.
Samantala, nagpapaalala rin ang PPA sa mga pasaherong may bitbit na alaga o mga fur-parents na tiyaking may mga dalang dokumento bago isama sa biyahe sa mga pantalan ang kanilang mga alaga.
Ayon sa PPA, ang mga pasaherong may mga kasamang alagang hayop sa pagbiyahe ay maaaring makipag-ugnayan muna sa kanilang pinakamalapit na tanggapan ng Bureau of Animal Industry – National Quarantine Services upang makakuha ng shipping permit at mapayagang maipasok sa mga pantalan at barko ang kanilang mga alaga.
Maaari rin anilang magrehistro ang mga pet owners, online, o sa pagmamagitan ng website na nvqsd.bai.gov.ph.
Nabatid na kabilang din sa requirements ang pag-secure ng Veterinary Health Certificate na manggagaling sa kanilang mga beterinaryo na naglalaman ng mga impormasyon tulad ng mga bakunang tinanggap ng mga fur babies.














